Babae sa China, sinisi ang karaoke lounge matapos magkaroon ng herpes virus mula sa mikropono!
ISANG babae sa Zhejiang Province sa China ang nagkuwento sa social media na siya umano ay nahawa ng herpes simplex virus type 1 (HSV-1) matapos gumamit ng mikropono sa isang karaoke lounge noong 2017.
Ayon sa hindi pinangalanang babae, naganap ang insidente habang siya ay kumakanta sa isang karaoke bar, kung saan napalapit nang husto ang mikropono sa kanyang bibig.
Makalipas ang ilang araw, napansin niya ang paglitaw ng maliliit na makating pantal at paltos sa paligid ng kanyang labi. Bagama’t pansamantalang nawala ang mga sintomas, bumalik din ito sa loob lamang ng ilang araw, dahilan upang siya ay kumunsulta sa isang doktor.
Dito niya nalaman na siya ay positibo sa HSV-1, isang uri ng herpes virus na pangunahing nagdudulot ng cold sores sa bibig. Wala umano siyang naunang kasaysayan ng herpes infection bago ang naturang insidente.
“Ito ay sakit na habambuhay ko nang dadalhin. Walang permanenteng lunas dito, tanging mga gamot lamang para maibsan ang pananakit,” ayon sa babae sa kanyang pahayag sa Douyin, ang Chinese counterpart ng TikTok.
Dagdag pa niya, simula nang mahawa siya walong taon na ang nakalilipas, patuloy siyang nakararanas ng paulit-ulit na sintomas, at kamakailan lamang ay nagsimulang magkaroon ng cold sores pati na sa kanyang mga pisngi.
Bagamat mabilis kumalat sa social media ang kanyang salaysay, nilinaw ng mga dermatology experts na wala pang sapat na ebidensiya na magpapatunay na maaaring maipasa ang HSV-1 virus sa pamamagitan lamang ng pagkakadikit ng labi sa isang kontaminadong mikropono.
Ayon sa mga pag-aaral, ang HSV-1 ay karaniwang naihahawa sa pamamagitan ng direktang skin-to-skin contact, lalo na kung mayroong aktibong sugat o paltos ang isang carrier ng virus.
Patuloy na pinaaalalahanan ang publiko na maging maingat sa paggamit ng mga pampublikong gamit, partikular na ang mga malapit sa bibig tulad ng mikropono, lalo na sa mga matataong lugar.
- Latest