^

PSN Opinyon

Nanay Paz: Sakripisyo at tagumpay ng isang OFW

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Kuwento ng sakripisyo ng isang overseas Filipino worker ang buhay ng 58-anyos na si Maria Paz Banaag-Marquez na napilitang ma-ngibang-bansa para suportahan ang kanyang tatlong anak.

Kuwento rin ng isang matagumpay na OFW si Maria Paz na lumaking maralita sa Sariaya, Quezon,  mag-isang binubuhay ang tatlo niyang anak, nagtrabaho bilang katulong sa Saudi Arabia at United Arab Emirates (UAE) hanggang maging matagumpay na negosyante sa ibayong-dagat.

Dati siyang nagtrabaho bilang part-time sa isang bakery sa Quezon habang nag-aaral ng business administration sa kolehiyo na hindi naman niya natapos. Meron din siyang maliit na panaderya kaya rito siya unang natuto ng baking.

Nanay Paz ang tawag sa kanya ng mga kababayan niya, ng kanyang mga suki at ibang nakakakilala sa kanya sa UAE dahil sa kanyang negosyong bakery na pinangalanang  Maria Paz Pastry, na meron nang pitong sangay sa naturang bansa at 46 na empleyado na karamihan ay mga Pilipino. Sikat ang kanyang mga cheese cake, cassava cake, purple yam cake at iba pang produkto ng kanyang panaderya.

Nagsimula ang matindi niyang kalbaryo nang isilang ang pangalawa niyang anak na si Jamaica Mae na merong mga kapansanan sa katawan.  Maliit pa lang ito nang maoperahan sa bibig at mata at kailangan ding operahan sa puso. Nadudurog ang kanyang kalooban.

“Wala akong sapat na pera para sa operasyon niya sa puso at nadudurog ang kalooban ko,” nanginginig na kuwento niya sa wikang Ingles. Hindi sapat ang kinikita ng maliit niyang panaderya sa kanilang bayan noon. “Ayokong magdusa ang anak ko kaya ginawa ko ang napakahirap na desisyon sa buhay ko. Ang magtrabaho sa ibang bansa.”

Noong 2005, iniwan niya ang kanyang mga anak para magtrabaho bilang housemaid sa Saudi Arabia na tumagal lang ng dalawang taon. Saglit siyang bumalik sa Pilipinas.

Noong 2008, nagtrabaho naman siya bilang housemaid din sa isang mag-asawang Pranses sa UAE. Sa loob ng 13 taon, nagtatrabaho siya habang nagpapadala ng pera sa kanyang mga anak sa Pilipinas. Habang sinusulat ito, batay sa lumabas sa Gulf News at Khaleej Times, ang panganay niyang si Patrice Marie ay pitong taong nagtrabaho sa Dubai bago lumipat sa Netherlands habang ang bunso niyang lalakeng si John Patrick ay nag-aaral ng architecture sa Maynila.

Noong 2014, sinimulan niya ang kanyang online pastry business na kumita nang husto kaya tinatanggihan na niyang tanggapin ang pinapasuweldo sa kanya ng kanyang amo na isang textile businessman. Namatay ang asawa nito noong 2013.

Patuloy siyang nagpupursige para sa kanyang mga anak lalo na si Jamaica Mae. Nagsimula lang sa bahay ng kanyang amo ang kanyang negosyo. Dahil sa kinikita niya rito, nakikisosyo na rin siya sa pagbabayad ng renta sa villa nito. Siya mismo ang gumagawa ng mga pastries para madagdagan ang kanyang sahod bilang cleaner. Naranasan niyang matulog sa sahig gamit ang isang karton kapag kailangan niyang magpahinga.

Noong 2021, bumalik na sa France ang kanyang amo para roon na mamalagi. Naiwan sa kanya ang tahanan nito na tinayuan naman niya ng bakery, ang kanyang Maria Paz Pastry. Wala siyang puhunan o karanasan sa pagnenegosyo maliban sa kanyang kasanayan sa baking pero nagbunga ng maganda ang kanyang dedikasyon at pagmamahal sa ganitong gawain.  Nangutang sila ng kanyang partner at sumuporta ang isa niyang kapatid na nasa Saudi Arabia para sa kanyang bakery.   Napabalita sa TikTok at Facebook ang kanyang mga cheesecake at nakabuo siya ng mga matatapat na suki sa hanay ng mga Pinoy at ibang mga lahi sa UAE.

Nagsilbing gatong sa kanyang bakery ang sipag, sakripisyo at mainit na hanga-ring mapaglaanan ng magandang kinabukasan ang kanyang mga anak. “Hindi ko ito ginawang mag-isa,” diin ni Maria Paz. “Sinuportahan ako ng aking mga kamag-anak at laging motibasyon ko ang mga anak ko.”

Para kay Maria Paz, ang pinakamalaking tagumpay niya ay nang mapaoperahan niya si Jamaica Mae at gumanda ang kundisyon nito. Gumasta siya ng halos isang milyong piso (AED 100,000) para sa mga operasyon ni Jamaica Mae na ang lahat ng pondo ay nagmula sa tagumpay ng Maria Paz Pastry. “Nagpapasalamat ako sa mga biyayang ito. Kung hindi dahil sa bakery ko, hindi mangyayari ang mga ito.”

Ilan niyang kamag-anak sa Pilipinas ang dinala niya sa UAE para makatulong sa pamamahala niya sa lumaki niyang negosyo. 23 taong gulang na si Jamaica Mae nang dumating ito sa Dubai at nakatulong niya sa operasyon ng Maria Paz Pastry.

Maayos ang negosyo. Naitatag na ang lahat ng mga sangay. Pumipila ang mga tao. Lagi kaming nauubusan ng paninda kapag holiday tulad ng Christmas at New Year,” wika pa ni Maria Paz na laging nakasuot ng apron kahit siya ang amo sa kanyang shop. “Nagbabalat at nagkakayas pa rin ako ng taros para sa cakes. Ito ang buhay ko. Ito ang hilig ko.”

“Gusto kong ma-ging inspirasyon sa iba na maniwala sila sa kanilang sarili,” sabi pa niya. “Huwag susuko. Magtiwala sa proseso at magpakasipag lagi. Kung patuloy kang magpupursige, matutupad ang mga pa-ngarap mo.”

* * * * * * *

Email – [email protected]

OFW

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with