Ibalik ang disiplina
MATAGAL ko nang hinihintay ang balitang ito. Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya ng 670 drayber na sangkot sa aksidente o gumagamit ng droga noong Holy Week. Suspindido ng 90 araw at kailangan nilang magpakita sa LTO para magpaliwanag o magbigay ng kanilang salaysay.
Pinawalambisa naman ang lisensiya ng drayber ng ELS Bus Co. na nakunan ng video na mabilis magpatakbo kahit nakiusap na ang mga pasahero na bagalan na. Hindi rin nakababa ang ilang pasahero dahil sa kanyang mabilis magpatakbo.
Sa tingin ko naman ay kung may video na magpapakita ng kamalian ng isang drayber, hindi na dapat kailangan ng imbestigasyon at bawiin na kaagad ang lisensiya. Napakaraming drayber ngayon na walang disiplina, hindi sumusunod sa batas-trapiko at palaaway. Pasensiya na pero kadalasan mga rider ng motorsiklo, mga “kamote” kung tawagin.
Ang nais na nga ni DOTr Secretary Vince Dizon ay suriin ang mga kuwalipikasyon ng mga bagong motorcycle riders. Tingin ko hindi lang mga bagong kumukuha ng lisensiya kundi lahat na. Hindi lilipas ang araw na hindi ako makakakita ng motorsiklo na lumalabag sa batas-trapiko.
Kung positibo naman para sa iligal na droga, dapat bawiin kaagad ang lisensiya, lalo na kung drayber ng pampublikong sasakyan. Hindi puwedeng ilagay sa kamay nila ang kaligtasan at buhay ng kanilang pasahero. Kung alam na adik ang piloto, sasakay ka ba sa kanyang eroplano? Ganundin sa pampasaherong bus, jeepney, taxi at pati tricycle.
Nagiging mahigpit nang husto si Dizon. Inutusan ang LTO, LTFRB pati na rin ang DOTr na pag-aralan ang mga patakaran sa pagbigay ng lisensiya at kaligtasan sa kalsada. Ang tingin niya ay hindi epektibo ang mga kasalukuyang patakaran kaya maraming nagaganap na aksidente.
Dapat lang. Hindi dapat binibigyan ng lisensiya ang hindi nararapat. Kaya dapat din bantayan ang mga taga-LTO mismo na hindi sila basta-basta namimigay ng lisensiya.
Kailangang ibalik ang disiplina sa kalsada kundi araw-araw na lang magkakaroon ng masamang aksidente o road rage na muuwi sa hindi kanais-nais. Sa init ng panahon ngayon, lahat nagiging maiksi ang pasensiya.
- Latest