^

PSN Opinyon

Maraming salamat, Pope Francis

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

Noong Lunes, 1:30 ng hapon, pumanaw si Pope Francis. Nagluluksa ngayon ang lahat ng Katoliko, pati na rin mga lider ng bansa at ibang simbahan sa kanyang pagpanaw.

Si Pope Francis ay kilalang mabait sa lahat ng tao. Ang kahuli-hulihang mensahe niya nitong Pasko ng Pagkabuhay ay kalayaan sa pag-iisip at pagpaparaya. Makabuluhan ang kanyang mensahe dahil sa mga kaganapan sa buong mundo kung saan may digmaan, alitan pati na rin ang mga nagaganap sa U.S.

Nakuha niyang basbasan ang buong lungsod at mundo, ang “Urbi et Orbi.” Ikinagalak ng mga taong naghintay sa Vatican ang kanyang pagpapakita noong Linggo matapos tamaan ng pneumonia. Higit isang buwan siyang nasa ospital bago nakabalik sa Vatican para magpahinga at magpalakas.

Nakadalaw si Pope Francis sa Pilipinas noong Enero 15-19, 2015. Ang natatandaan ko ay nilipad ang kanyang zuchetto, isang telang takip ng kanyang ulo. Masuwerte nga at napulot ng isang pari natin at inalok na makipagpalitan sa suot ni Pope Francis. Agad namang pumayag.

Ganyan siya kalapit sa tao, partikular sa kabataan. Kaya siya naging popular na Papa. Ibinigay niya ang kanyang buhay sa pagserbisyo sa Panginoon, at ngayon ay kasama na sa langit magpakailanman.

Si Pope Francis ang pangatlong Papa na nakadalaw ng bansa. Ang una ay si Pope Paul VI noong 1970 at si Pope John Paul II noong 1981 at 1995.

Magsisimula naman ang pagpili ng bagong Papa. Ang mga Cardinal ang pumipili na tinatawag na Papal Conclave. Sila ay mga mataas na ranggong Obispo. Nasa 135 Obispo ang maaaring bumoto sa Papal Conclave. Kailangan ng two-thirds na mayorya ng boto ng mga Obispo para sa susunod na Papa.

Kapag puting usok ang lumabas mula sa chimney ng Sistine Chapel, ibig sabihin may nahalal na bagong Papa. Kapag itim ang usok, wala pang nakukuhang bagong Papa. Tuluy-tuloy ang pagboto hanggang sa magkaroon ng bagong Papa ang Simbahang Katoliko.

Kapag may napili na ang Papal Conclave, tatanggapin ng nanalo ang posisyon, mamimili ng pangalan at bibihisan na ng baro ng mga Papa. Nabiyayaan akong makasaksi ng Papal Conclave hanggang sa puti na nga ang lumabas na usok.

Tatlo ang matunog na kandidato, si Cardinal Peter Turkson ng Ghana, Cardinal Peter Erdo ng Hungary at ang Pilipinong si Cardinal Luis Antonio Tagle. Ang Pangnoon ang tanging magdedesisyon kung sino ang nararapat maging bagong lider ng Simbahang Katoliko.

Ipagdasal at pasalamatan natin si Pope Francis para sa kanyang pantas na pamumuno ng Simbahang Katoliko at pati na rin ang kanyang magiging kapalit.

POPE FRANCIS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with