UniTeam UmiTim
NATATAWA ako sa “punning” o paglalaro ng mga kataga upang magkaroon ng nakatatawang kahulugan. Pati mga pulitiko ay ginagawa na rin ito upang makaakit ng boto.
Halimbawa, nitong nakaraang Semana Santa, tinawanan sa social media ang patutsada sa dating UniTeam nina President Bongbong Marcos at VP Sara Duterte.
Ang UniTeam daw ay “UMITIM”. Nagdilim! Opisyal nang inindorso ni Sara ang presidential sister na si Sen. Imee Marcos na lantaran ng tumiwalag sa partido ng kanyang kapatid sa pagkandidato nito sa pagka-senador.
Ang partnership nila ay kinulayan ng “ITIM” dahil sa kanilang political ads na magkasama sila at nakasuot ng itim. Personal daw na ideya ito ni Sara pagdating pa lang niya mula sa The Hague na kinapipiitan ng kanyang ama na si dating President Digong Duterte.
Ang itim na anila’y siyang kulay ng sitwasyon ng Pilipinas sa ilalim ng liderato ni PBBM. Pero ang buwelta naman ng Malacañang— “mas angkop ang itim na kulay sa nagdaang administrasyon ni Digong dahil sa talamak na extra-judicial killings (EJK) na rason kung bakit nakapiit ngayon ang dating Presidente sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Maaaring bilang mga tagamasid ay natatawa tayo pero ito’y dapat ikabahala sa halip na ikatuwa. Katatapos lang ng Semana Santa at sa halip na makapag-isip ng tama ang mga pulitiko ay lalong lumulubha ang galit sa kanilang mga puso.
Ang itim ay simbolo ng kadiliman o pagluluksa. Bakit, namatay na ba ang pag-asa nating mga Pilipino na sisikat pa sa bansa natin ang liwanag na mithi ng lahat?
Huwag mawalan ng pag-asa.
Katulad ng nangyari kay Panginoong Hesus na kinitlan ng buhay sa krus, ang bansa ay babangon muli. Pero iyan ay depende sa tunay na pagkakaisa ng mamamayan sa kapakanan ng bansa at hindi ng sinumang pulitiko.
- Latest