2 teenagers mula belgium, inaresto nang mag-smuggle ng mga langgam!
Dalawang Belgian teenagers sa Kenya ang sinampahan ng kasong wildlife piracy matapos mahulihan ng libu-libong langgam na ipupuslit umano para ibenta sa black market ng Europa at Asya.
Kinilala ang mga Belgian na sina Lornoy David at Seppe Lodewijckx, parehas 19-anyos na inaresto sa isang guest house sa Nakuru County noong April 5. Nakuha sa kanila ang 5,000 piraso ng mga langgam na nakasilid sa mahigit 2,000 test tube na may cotton wool na isang paraan para mabuhay ang mga insekto sa mahabang biyahe.
Ayon sa Kenya Wildlife Service (KWS), kabilang sa mga nasabat na uri ng langgam ay ang Messor cephalotes, isang malaking pulang harvester ant na matatagpuan sa East Africa. Ang ganitong uri ng langgam ay hindi lamang bihira kundi may mahalagang papel sa ecology dahil tumutulong ang mga ito sa pagpapayabong ng lupa at pagsupply ng pagkain ng mga ibon at iba pang hayop.
“Hindi lang ito simpleng insekto,” babala ni Philip Muruthi ng Africa Wildlife Foundation. “Ang mga langgam ay bahagi ng ekolohiya kung saan may kaugnayan sila mula bakterya hanggang sa mga malalaking hayop. Kapag kinuha sila, may domino effect ito.”
Ang tinatayang halaga ng mga langgam ay umaabot sa 1 million Kenyan shilling (halos P440,000). Bagamat tila maliit na usapin, sinabi ng KWS na ito ay senyales ng pagbabago sa trend ng illegal wildlife trade.
Kung noon ay ang mga ivory tusk ng elepante, rhino, at iba pang malalaking hayop ang pinupuslit sa mga airport at borders, ngayon ay tinatarget na rin ang maliliit ngunit kritikal na species.
“Ang ganitong kalakaran ay hindi lamang banta sa kalikasan kundi pati sa soberanya ng Kenya at kabuhayan ng lokal na komunidad,” ayon sa pahayag ng KWS.
Pinaniniwalaang ang mga langgam ay ipupuslit para ibenta sa mga collectors at breeders sa ibang bansa kung saan mataas ang demand sa exotic at rare species. May babala rin ang mga eksperto na posibleng magdala ito ng mga pagkasira sa agrikultura ng mga destinasyong bansa.
Bagamat sinabi ng dalawang Belgian na “trip-trip lang” ang kanilang koleksiyon ng langgam at wala silang kamalay-malay na bawal ito, mariing kinondena ng mga Kenyan environmental authorities ang insidente bilang paglapastangan sa kalikasan at sistematikong pagnanakaw ng biodiversity ng bansa.
- Latest