Sa mga mamamahayag -- tayo ba’y nagtutulay ng pag-asa?

Habang nagpapatuloy ang House of Representatives sa pagdinig nito sa fake news at social media, malinaw na hindi lang tayo nanonood ng mga debate. Tayo rin ay mistulang nakatingin sa salamin.
Anong uri nga ba tayo ng mga mamamahayag o communicators? Anong uri ng mga mensahe ang inilalahad natin—at anong uri ng katotohanan ang ating pinaninindigan?
Ngayong Semana Santa, inaanyayahan tayong huminto at tahimik na magmuni-muni kung ginagamit nga ba natin ang ating mga platform para magsilbing tulay sa mas mahahalagang bagay. Bilang isang mamamahayag at multimedia producer, ako ay may pananagutan. Hindi lamang para sa aking mga sinasabi on-air o online, kundi kung ano rin ang aking pinaninindigan. Dapat gamitin ang platforms hindi lamang dahil sa reach o rating, kundi para sa kabutihan. Para sa katotohanan. Para magsilbing tulay ng pag-asa.

Para magawa ito, mahalagang makinig. Napakarami ng ginagawa natin sa media ang may kinalaman sa pakikipag-usap -- pag-uulat, pag-aanchor, pagsasalaysay. Ngunit kasinghalaga rin ng pagsasalita ang pakikinig.
Naiisip ko yung mga nanay na nakausap ko sa mga evacuation center pagkatapos ng bagyo. Ang mga guro sa pampublikong paaralan na nagbahagi kung paano nila ginagastos ang sarili nilang sahod para lamang magbigay ng mga gamit sa silid-aralan. Minsa’y hindi umeere ang ganitong mga kwento. Ngunit ang mga ito ang pundasyong humuhubog sa mga istoryang bumabaon sa alaala.
Importanteng tandaang hindi dapat maging layunin ang pagpapa-viral. Ang algorithm ng digital platform ay hindi parating pumapanig sa katotohanan; pinapaboran nito ang kontrobersyal. Ang pagiging viral ay panandalian, ngunit ang mas tumatagal ay ang impact o epekto ng mensahe.
Tandaan nating dahil sa social media, ang bawat isa ngayon ay mamamahayag o communicator na rin. Nabubuhay tayo sa panahong ang bawat isa ay may platform o oportunidad na magpahayag. Hindi mo kailangan ng mikropono o media ID para magkaroon ng impact. Bawat caption, bawat komento, bawat pag-share ay isang desisyon. Nagpapakalat ba tayo ng kabutihan o kasamaan? Naghahasik ba tayo ng pagkakahati o pagkakaisa? Sa mundong puno ng samu’t saring content, ang kredibilidad ay mahalaga. At kahit na maliliit na mensahe – isang post na nagtatama ng maling impormasyon, isang komentong nagbibigay ng kasiyahan, isang kuwentong naghahatid ng inspirasyon – ay maaaring magdulot ng pagbabago.

Kaya ngayong Semana Santa, paano nga ba natin ginagamit ang ating mga tinig? Nagdaragdag ba tayo sa ingay o lumilikha ng liwanag?.
Dahil tulad ng paalala ni Pope Francis sa atin, ang tunay na komunikasyon ay hindi lamang sa pagsasalita. Ito ay tungkol sa pakikinig nang may pagmamahal. Ito ay tungkol sa pagbabahagi ng malasakit. At ito ay tungkol sa paninindigan para sa katotohanan kahit na mahirap.
----
Sundan ang aking social media accounts @JingCastaneda: Instagram,Facebook,YouTube,Tiktok atTwitter. Ibahagi ang iyong mga kuwento o magmungkahi ng mga paksa sa [email protected].
- Latest