Babae na nagpa-MRI dahil ‘trip’ lang niya, natuklasan na may malubha siyang sakit!
Isang ina sa US ang nakadiskubre ng seryosong kondisyon sa kanyang kalusugan matapos sumailalim sa isang full-body MRI scan na inakala niyang routine exam lamang.
Si Sarah Blackburn, isang ina na walang anumang nararamdamang sintomas, ay nagpa-scan gamit ang isang high-tech na serbisyo na tinatawag na Prenuvo. Ayon sa kanya, ginawa niya ito “just for fun”, o trip-trip lang niya bilang bahagi ng kanyang self-care at hindi dahil sa anumang iniindang karamdaman.
Ayon sa kumpanya, ang 60-minutong MRI ay kayang suriin ang buong katawan mula ulo hanggang paa at kayang makakita ng mga kondisyon bago pa ito magdulot ng sintomas. Bagamat hindi sakop ng insurance at may presyong $2,500, maraming tao ang kumukuha nito bilang bahagi ng kanilang preventive health measures.
Inakala ni Blackburn na magbibigay lamang ito ng peace of mind. Ngunit ilang araw matapos ang scan, nalaman niyang mayroon siyang splenic artery aneurysm, isang bihira at potensiyal na delikadong kondisyon kung saan puwedeng pumutok ang ugat sa paligid ng spleen.
Ayon sa ulat, may isa sa tatlong posibilidad na mamatay ang pasyente kung ito ay pumutok. Ang spleen o pali ay isang organ na tumutulong sa paglaban sa impeksiyon at pagsala ng lumang dugo mula sa katawan.
Hindi inaasahan ni Blackburn ang natuklasan, lalo pa’t wala siyang nararamdamang kakaiba sa katawan. Dahil walang kaagad na makausap na doktor, nagtungo siya sa emergency room upang maipaliwanag ang resulta ng MRI.
Ilang doktor ang nagrekomenda ng pagtanggal ng kanyang spleen, na kalaunan ay isinagawa sa pamamagitan ng operasyon. Matagumpay ang naging surgery at maayos ang kanyang recovery, bagama’t inaamin ni Blackburn na nagkaroon siya ng matinding health anxiety pagkatapos ng karanasan.
Bilang may family history ng cancer, pinili pa rin ni Blackburn na sumailalim sa scan upang maagapan ang anumang posibleng problema. Gayunman, hindi niya inakalang ang ginawa niyang “for fun” na checkup ay magiging dahilan ng matinding pagbabago sa kanyang buhay.
Ayon sa datos mula sa Aflac Wellness Matters Survey noong 2024, 77 percent ng mga adult sa US ang pino-postpone ang mga mahalagang checkup, at 60 percent ang umiiwas sa routine screenings.
Lumalabas din na maraming kabataan ang hindi agad nagpapatingin kahit may nararamdamang kakaiba sa katawan.
Ipinapakita ng kaso ni Blackburn kung gaano kahalaga ang maagap na pag-checkup kahit walang nararamdamang sintomas, at na hindi hadlang ang batang edad sa posibilidad ng pagkakaroon nang malubhang sakit.
- Latest