Imee, zero credibility
SEN. Imee Marcos, bakit ginawa mong circus ang kapita-pitagang bulwagan ng Senado? Halatang namimingwit ng boto si Senadora mula sa kampo ni Duterte sa pagpapasiyasat niya sa kontrobersiyal na pag-aresto kay ex-president Digong. Pero lalo lang lumagabog ang ranking niya sa survey! Ayon sa latest pre-election survey ng Pulse Asia, bagsak sa pang-17 ang ranking ng presidential sister.
To make her antic more dramatic, pina-contempt pa niya si Special Envoy on Transnational Crime Markus Lacanilao. Mabuti pinalagan ito ni Senate President Chiz Escudero. Supalpal ang senadora nang sinabihan ni SP Chiz na huwag gamitin ang Senado para sa sariling kandidatura kapalit ng pagkasira ng institusyon. Kahit si Honeylet Avanceña na partner ni Duterte, ay tinawag na isang palabas lang ang Senate investigation sa pagkakaaresto ng dating Presidente.
Kahit si Atty. Sal Panelo ay buking si Imee. Sabi ng dating presidential legal consultant, nagbabalatkayo lang si Imee sa pagtatanggol sa dating Presidente.
Kahit tanungin pa ang Duterte die-hards, tiyak pagtatawanan lang nila ang senadora. Anang Duterte camp, gumigimik lang siya. Paano nga ba puprotektahan si Duterte kung ang intensiyon ay gamitin ang pangalan ng matanda para sa sariling political comeback?
Laging silensiyo si Imee tuwing nadidiin si President Bongbong Marcos, pero biglang nag-iingay kapag sinuman sa mga Duterte ang nababanatan. Nasaan si Imee sa confidential funds issue laban kay Vice President Sara Duterte. Ito ba’y selective loyalty o sadyang survival mode na lang talaga?
Hindi na ito uubra ngayon. Hindi na tanga ang taumbayan. Hindi mo mapapabango ang pangalan sa mga gimik, at lalong hindi ka mabubuhay sa pulitika sa pagbabalatkayo.
Tama na ang ilusyon! Kung gusto mong bumalik sa Senado, Imee, magpakita ka ng tunay na serbisyo at huwag maging isang payaso.
- Latest