Babae sa Spain, nagpanggap na hindi makapagsalita para makatanggap ng disability pension!
MATAPOS ang 16 na taon ng pagtanggap ng disability pension dahil umano sa pagka-“pipi” mula sa trauma, isang babae sa Spain ang nabuking na nagsisinungaling pala nang na-record habang masiglang nakikipagkuwentuhan at sumasayaw ng Zumba!
Nag-ugat ang lahat noong 2003 nang atakihin ang hindi pinangalanang babae sa isang supermarket sa Andalucia kung saan siya nagtatrabaho. Idineklara siyang may post-traumatic stress disorder at hindi na raw makapagsalita.
Dahil dito, pinagkalooban siya ng gobyerno ng permanenteng disability pension. Pero dahil ito’y insidente sa trabaho, ang insurance company ang kinailangang sumagot sa lahat ng gastusin.
Fast forward sa 2019, nagsagawa ng routine review ang insurance company at napansin nilang may kaduda-dudang detalye sa mga medical records ng ginang. Pito’t kalahating taon na palang hindi nabanggit sa kahit anong medical records na siya’y “pipi” pa rin. Kaya nagdesisyon ang kompanya na kumuha ng isang private detective.
Sa unang linggo lamang ng pagmamanman, nabisto agad ng detective na aktibong nakikipagkuwentuhan ang ginang sa ibang ina sa labas ng paaralan, nagti-text at tumatawag gamit ang cell phone.
Lalo pang napatunayan na magaling na ang ginang nang tanungin ito ng detective (na kunwaring naliligaw na estranghero) kung saan ang direksiyon papuntang department store. Mabilis na sumagot ang ginang ng buong linaw at giliw, wala man lang bahid ng pagkabigla o pagkukunwari.
Na-record ang buong eksena, at ‘yun ang naging ebidensiya laban sa ginang. Umabot sa korte ang kaso, at noong January ng kasalukuyang taon, nagdesisyon ang High Court of Justice of Andalusia na pumabor sa insurance company.
Ngayon, bukod sa kanselasyon ng kanyang pensyon, sinisimulan na rin ang panibagong kaso laban sa ginang para kuwentahin ang halaga ng dapat niyang ibalik matapos ang pagpapanggap.
- Latest