Nasa, mamimigay ng $3-m para masolusyunan ang problema sa basura sa kalawakan
ISANG kakaibang pa-contest ang inihain ng NASA na may premyong aabot sa $3 milyon (P170 milyon) para sa sinumang makakaisip ng paraan kung paano mare-recycle ang basurang iniwan ng mga astronaut sa buwan, kabilang na ang mga sako ng dumi, lumang kagamitan, damit, at mga gamit sa eksperimento.
Matagal nang problema ng NASA ang mga basura mula sa mga naunang misyon, lalo na noong panahon ng Apollo program kung saan iniwan ng mga astronaut ang halos isang daang sako ng mga hindi na kailangang bagay sa ibabaw ng buwan upang magaan ang kanilang pagbabalik sa Earth.
Pero ngayon, sa muling pagbabalik ng tao sa buwan sa ilalim ng Artemis program, nais ng NASA na maging mas responsable pagdating sa basura at gawing kapaki-pakinabang ang mga ito.
Tinawag ang contest na LunaRecycle Challenge. Ito ay bukas sa publiko sa buong mundo. Layunin nitong makahanap ng teknolohiya na kayang gawing tubig, enerhiya, pataba o bagong gamit ang iba’t ibang klase ng solid waste na naiiwan sa matagalang pananatili ng tao sa kalawakan.
Ayon sa NASA, mas mainam kung ang basura ay mare-recycle at magagamit uli, imbes na ibalik pa sa Earth na dagdag-abala at gastos.
Hindi lang ito tungkol sa kalinisan. Bahagi ito ng mas malawak na layunin ng NASA na gawing sustainable ang paninirahan sa kalawakan. Kung magtatagal ang tao sa buwan o sa ibang planeta gaya ng Mars, kailangan ang mga teknolohiyang kayang pamahalaan ang lahat ng uri ng basura sa maayos, episyente, at makakalikasang paraan.
Ang challenge na ito ay tumutok na hindi lang sa pagbabawas ng dami ng basura, kundi sa aktwal na pagbuo ng solusyon na kayang baguhin ang anyo nito para mapakinabangan pa.
Bukod sa mga physical prototype inventions, tinatanggap din ng NASA ang mga digital simulation o virtual designs ng mga sistemang kayang magsagawa ng ganitong klase ng recycling. Mas pinadali pa ang pagsali para sa mga innovator mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Bahagi ng proyektong ito ang University of Alabama na siyang tutulong sa pamamahala ng kumpetisyon, kasama ang AI Spacefactory—isang previous winner sa isa sa mga challenge ng NASA.
Sa ilalim ng Centennial Challenges program ng ahensya, layunin nitong pagsama-samahin ang talino at inobasyon ng publiko upang lumikha ng mga solusyong hindi lang para sa space missions, kundi pati na rin sa mga problema sa basura dito sa Earth.
Sa kasalukuyan, tapos na ang submission phase para sa unang round, at inaasahan ang anunsyo ng mga mapipiling entries sa darating na buwan ng May. Pero kahit tapos na ang deadline, usap-usapan pa rin ang kakaibang nature ng kumpetisyon. Dahil hindi araw-araw na may premyo para sa ideya kung paano pakikinabangan ang dumi ng mga astronaut.
- Latest