Masahe sa leeg, nagdulot ng stroke sa binata sa China!
Isang 26-anyos na programmer sa Changsha, Hunan, China ang muntik nang maparalisa ang buong katawan nang sumailalim siya sa isang matinding neck massage.
Si Xiao Zhang (hindi tunay na pangalan) ay isang IT professional na kilala sa pagiging laging abala sa harap ng computer. Ayon sa kanya, madalas siyang makaranas ng pananakit ng leeg dulot ng mahahabang oras ng pagtatrabaho.
Sa kagustuhan na maibsan ang neck pain, nagpamasahe siya sa isang massage parlor. Sa simula, tila naging epektibo ang masahe pero kalaunan ay nakaramdam na siya na tila nabugbog ang kanyang batok at leeg.
Sa kabila ng mga sintomas na iyon, hindi na siya nag-alala at inisip na baka normal lamang iyon.
Subalit pagkagising niya kinabukasan, natuklasan niyang may mga hindi pangkaraniwang sintomas siyang naramdaman tulad ng pamamanhid at panghihina sa kaliwang bahagi ng katawan, at pati na ang hindi maayos na pagsasalita.
Agad siyang nagtungo sa ospital, kung saan ang mga pagsusuri ay nagpakita ng isang “secondary cerebral infarction,” o stroke, na dulot ng pagka-damage ng isang ugat sa kanyang leeg.
Ayon sa mga doktor, pinalad siya at dumating sa ospital sa tamang oras kaya naagapan ang posibleng malubhang epekto ng stroke, tulad ng permanenteng paralysis.
Sa pamamagitan ng mga advanced na paggamot, kabilang ang anticoagulation therapy at iba pang medikal na hakbang upang mapabuti ang sirkulasyon ng dugo, nagawa ng mga doktor na mabawasan ang pinsala at nagsimula nang magpakita ng mga palatandaan ng paggaling si Zhang.
Ang kanyang kaso ay nagsilbing isang paalala kung gaano kahalaga ang tamang pag-iingat sa pagpapamasahe, lalo na kung ito ay isinasagawa sa mga sensitibong bahagi ng katawan tulad ng leeg.
Ayon kay Dr. Liu Yan, isang espesyalista sa Neurology mula sa ospital, ang carotid artery sa leeg ay isang pangunahing ugat na nagsu-supply ng dugo sa utak. Kapag ang ugat na ito ay pumutok o nagkasugat, maaaring magkaroon ng pagbara sa daloy ng dugo, na nagiging sanhi ng stroke.
Aniya, ang mga ugat sa leeg ay mababaw at sensitibo kaya isang simpleng maling hakbang tulad nang malakas na masahe o biglaan at marahas na paglingon ng ulo ay maaaring magdulot ng malubhang pinsala.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng insidente ng malubhang pinsala dulot ng maling masahe sa leeg.
Noong nakaraang taon, napaulat din ang kaso ng isang singer sa Thailand na pumanaw dahil sa herniated spine disk na dulot ng maling masahe sa batok at leeg.
Sa ngayon, si Zhang ay patuloy na nagpapagaling. Sa kanyang karanasan, umaasa siyang magsilbing isang babala ito sa mga tao na mag-ingat sa pagpapamasahe na maaaring magdulot ng masamang epekto kung hindi gagawin nang tama.
- Latest