^

PSN Opinyon

Mag-asawang senior citizen sa u.k., napagkamalang marijuana farmers dahil sobrang init ng kanilang bahay!

MGA KWENTONG WEIRD - Ronniel Niko B. Halos - Pilipino Star Ngayon

HALOS atakehin sa puso ang isang mag-asawang matanda sa United Kingdom matapos pasukin ng siyam na pulis ang kanilang bahay sa akalang may taniman sila ng marijuana, dahil lang sa sobrang init ng kanilang tahanan!

Nakilala ang mga biktima na sina Barry Lovelock, 80, at Mavis Lovelock, 78, na nag-aalmusal nang sapilitang pasukin ng mga pulis ang kanilang bahay noong March 15.

Ayon sa imbestigasyon, ang pagsalakay ay nag-ugat sa thermal camera ng isang helicopter na napansing sobrang init ng bahay ng mag-asawa, isang palatandaan umano ng isang ilegal na taniman ng marijuana.

Agad na rumesponde ang mga awtoridad at pinuwersang pinasok ang bahay sa paghahanap ng mga ilegal na halaman at gamit pangtanim.

Pero laking kahihiyan ng mga pulis nang matuklasang ang tanging dahilan ng init sa loob ng bahay ay ang da­lawang gas-fired heaters na ginagamit ng mag-asawa sa buong taglamig!

“Dalawang retiradong senior citizen ang nandito, hindi sindikato ng droga!” giit ni Mavis sa mga pulis na bigla na lang sumugod sa kanilang tahanan.

Bukod sa nawasak na pinto at gate, nag-iwan din ng matinding trauma ang insidente kay Mavis na hindi na raw makatulog nang maayos. Ayon kay Barry, kitang-kita niya kung paano nanginig sa takot ang kanyang misis matapos ang pangyayari.

“Hawak ko pa ang aking tinapay nang marinig ang malalakas na katok. Maya-maya lang, wasak na ang pinto namin at nagkakagulo na. Hindi ko na alam ang gagawin,” paglalahad ni Barry.

Ayon sa ulat, ipinakita pa ng mga pulis ang isang search warrant na may nakasulat na address ng mag-asawa. Pero ganun na lamang ang pagtataka nila nang mapansin na ang warrant ay may petsang Pebrero 18, mahigit isang buwan bago ang aktwal na raid.

“Paano sila nagkaroon ng maling impormasyon? Saan nila nakuha ang ideyang nagtatanim kami ng marijuana? Hindi kami kriminal, simpleng mag-asawang ginawin lang,” dagdag pa ni Mavis.

Samantala, humingi na ng paumanhin ang Leicestershire Police at nangakong babayaran ang anumang sira sa bahay ng mag-asawa.

Ayon sa ulat, may iba pang bahay sa lugar ang sina­lakay noong araw na iyon, at doon natagpuan ang 79 na halamang marijuana. Ngunit sa kaso ng mag-asawa, malinaw na isa itong malaking pagkakamali.

Nagpadala rin ang pulisya ng rapid response repair team upang pansamantalang ayusin ang wasak na pinto, ngunit hindi ito maaaring gamitin nang tuluyan hangga’t hindi ito ganap na napapalitan.

Sa ngayon, patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya kung paano sila nagkamali sa impormasyon na humantong sa maling pagsalakay. Ang mag-asawa naman ay patuloy pa ring naghihintay ng hustisya at tamang aksyon mula sa mga awtoridad upang hindi na ito maulit sa ibang inosenteng pamilya.

STORY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with