Walang napapala sa init ng ulo
Dalawang insidente nang matinding away sa kalsada ang naganap noong nakaraang Marso. Noong Marso 20, isa ang patay at isa sugatan nang magkaroon ng alitan sa kalsada ang pick-up na sakay ang mga biktima at sasakyan ng namaril na isang pulis. Nagkagitgitan umano ang dalawang sasakyan kaya nagkainitan.
Nang mauwi sa pagharang sa pick-up, bumaba ang pulis, sinuntok ang drayber ng pick-up at namaril. Ayon sa ilang pasahero rin ng pick-up, inubos daw ng pulis ang bala ng kanyang baril. Dito na tinamaan ang isang biktima na kritikal ang kundisyon. Sumuko naman daw agad ang pulis na namaril.
Hindi na ako nagtataka dahil ilang insidente ng ganitong pangyayari ang nabalitaan ko. Hindi naman armado ang drayber ng pick-up kaya walang dahilan para mamaril na lang ng ganyan ang pulis.
Siguro naman hindi na makakabalik sa serbisyo ang ganitong klaseng tao, hindi ba? Kung bakit may nakakalusot na ganito sa pagiging pulis ay hindi ko talaga maintindihan.
Ang sunod na insidente ay naganap sa Antipolo noong Linggo ng hapon. Nakunan pa ng video na agad kumalat sa social media. Sa video, makikitang pinagtutulungan ang isang lalaki ng tatlong riders.
Nang madehado, bumunot ng baril at sunud-sunod na nagpaputok. May bumagsak sa tabi ng itim na Fortuner na pag-aari ng namaril. Kita rin sa video na binuhat ng namaril ang isang babae na tila natamaan din. Binuhat din ng namaril ang kanyang biktima na bumagsak sa tabi ng Fortuner para makasakay at makaalis.
Nahuli naman kaagad ang namaril sa isang checkpoint. Apat ang dinala sa ospital kabilang ang babae na kinakasama pala ng namaril. Namatay na ang nabaril na rider kaya nahaharap ngayon sa isang kasong murder at dalawang kasong frustrated homicide at paglabag sa Comelec gun ban ang suspek.
Nagsimula na ang debate kung may karapatan na gumamit ng baril ang drayber dahil dehado na at pakiramdam ay nanganib na ang buhay. Pero may ibang video na kumakalat kung saan reckless ang pagmamaneho ng drayber ng Fortuner kaya may nakaalitang mga rider.
Hayaan na natin ang hukuman magpasya kung sino ang may sala sa insidenteng ito. Pero malinaw na lumabag sa Comelec gun ban. Alam ko kahit mga permit to carry ay suspindido sa panahong ito.
Apat ang natamaan ng kanyang pamamaril kabilang ang kinakasamang babae. Ang leksiyon na dapat matutunan sa mga insidenteng ito, walang napapala sa init ng ulo kapag nagmamaneho. Panatilihing malamig sa lahat ng pagkakataon.
- Latest