Pa-raffle ng housing units para sa QCitizens
Isa sa mga pangunahin kong programa ay ang mabigyan ng katiyakan sa paninirahan ang ating QCitizens.
Naniniwala ako na dapat ay magkaroon sila ng pagkakataon na magkabahay, anuman ang kanilang estado sa buhay.
Kaya naman nakipag-partner tayo sa mga kaukulang tanggapan ng pamahalaan at pribadong sektor para ito’y maisakatuparan.
Isa sa mga katuwang natin sa pribadong sektor ay ang Urban Deca, na nakatulong sa pagtatayo ng QCitizen Homes Urban Deca Housing sa Litex, Barangay Commonwealth.
Ito ang unang housing project na itinayo ng isang pribadong private estate developer para sa QCitizens. Binubuo ito ng apat na high-rise buildings na may kabuuang 2,699 units. Kabilang sa mga unit ay studio type, 1-, 2-, at 3-bedrooms.
Makikita rin dito ang malawak na parking space na may 505 slots para sa motorsiklo at mga kotse.
Dahil sa napakaraming nag-apply na QCitizens at sa limitadong units, nagpasya tayo na idaan sa public raffle na napanood sa Facebook page ng Housing Community Development and Resettlement Department (HCDRD) ang pagpili sa mga makatatanggap nito.
Nasa 301 condominium units ang pina-raffle noong Miyerkules para mabigyan ng patas na pagkakataon ang nasa 8,725 QCitizens na nag-apply at nakapasa sa verification at requirements. Isa itong paraan para masigurong transparent ang proseso, matapos salain ang lahat ng nag-apply at itira ang mga kuwalipikadong benepisyaryo.
Kabilang dito ang 751 solo parents, 189 solo parent government workers, 6,174 QCitizens, at 1,611 government employees. Sila’y dumaan sa masusing pagsusuri at beripikasyon ng HCDRD.
Ginawa ang live public raffle sa harap ng mga miyembro ng Beneficiary Selection and Arbitration Committee, QC Local Housing Board, kinatawan ng QC Liga ng mga Barangay, at QC People’s Council.
Ang mga nanalo sa raffle ay makatatanggap ng written notice mula sa HCDRD na nag-aatas na kanilang magsumite ng kailangang requirements para patunayan na sila’y kuwalipikado sa loob ng 45 araw para makuha ang unit na nai-raffle sa kanila.
Patuloy na sisikapin ng lokal na pamahalaan na mag-isip at gumawa ng lahat ng paraan para matupad ang pangarap ng QCitizens na magkaroon ng katiyakan sa paninirahan.
- Latest