Lalaki, nanganib ang buhay matapos kumain ng baboy ramo!
ISANG lalaki mula sa Florida, U.S.A. ang halos bawian ng buhay matapos mahawa ng isang kakaibang impeksyon sa kanyang implanted defibrillator kung saan ang pinagmulan nito ay isang baboy ramo na kanyang kinatay, niluto, at kinain noon pang 2017.
Ayon sa ulat, ang lalaki ay nakatanggap ng baboy ramo bilang regalo mula sa isang local hunter. Hindi niya inakala na ang tila masarap na pagkain ay magdadala sa kanya ng sakit na halos tumagal ng tatlong taon bago natukoy ng mga doktor.
Bago pa man lutuin at kainin ang baboy ramo, hinawakan niya ang hilaw na karne gamit lamang ang kanyang mga kamay. Hindi niya namalayan na sa sandaling iyon, posibleng nakapasok na sa kanyang katawan ang bacteria na Brucella suis, na madalas matagpuan sa mga ligaw na hayop gaya ng baboy ramo.
Matapos ang ilang taon, nakaranas ang lalaki ng pabagu-bagong sintomas, kabilang ang lagnat, pananakit ng katawan, pamumuo ng likido sa ilang bahagi ng kanyang katawan, at paninigas ng balat sa kanyang kaliwang dibdib.
Sa simula, walang ideya ang mga doktor kung ano ang sanhi ng kanyang kondisyon, kaya’t binigyan siya ng iba’t ibang uri ng antibiotics. Subalit hindi nito tuluyang napawi ang sakit. Sa kalaunan, napag-alaman na ang impeksyon ay hindi lang basta nasa kanyang dugo—nakapasok na ito sa mismong defibrillator na naka-implant sa kanyang puso.
Ang bacteria ay dumaan sa kanyang dibdib, sumuot sa kanyang kaliwang ugat sa balikat (subclavian vein), at umabot sa kalamnan ng kanyang left ventricle. Dahil dito, kinailangan siyang sumailalim sa isang maselang operasyon upang tanggalin ang kanyang defibrillator at palitan ito ng bago.
Ayon sa mga eksperto, ang Brucella suis ay isang uri ng bacteria na maaaring manatili sa katawan ng tao sa loob ng maraming taon bago magdulot ng malalang sintomas.
Isa itong zoonotic infection, ibig sabihin, mula ito sa mga hayop at maaaring mailipat sa tao sa pamamagitan ng direktang kontak, paghawak ng hilaw na karne, o pagkain ng kontaminadong pagkain.
Karaniwan, ang brucellosis, ang sakit na dulot ng naturang bacteria, ay nagmumula sa mga ligaw na hayop sa kagubatan. Pero sa U.S., ang feral swine o ligaw na baboy ang pangunahing tagapagdala ng Brucella suis, lalo na’t ang mga alagang hayop sa mga farm ay kadalasang nababakunahan laban sa ganitong impeksyon.
Matapos ang sunud-sunod na gamutan at operasyon, tuluyang tinanggal ang defibrillator ng pasyente noong 2020 at pinalitan ng bago matapos ang apat na buwan. Sumailalim siya sa anim na linggong antibiotic treatment upang matanggal nang tuluyan ang bacteria sa kanyang katawan.
Sa kabutihang palad, ngayon, mahigit tatlong taon na siyang walang bakas ng brucellosis sa kanyang dugo. Subalit ang kanyang pinagdaanan ay nagsilbing babala sa lahat na ang pagkain ng ligaw na hayop ay may kaakibat na panganib, lalo na kung hindi wasto ang paghahanda at pagluluto nito.
Dahil dito, pinapayuhan ang publiko na mag-ingat sa pagkain ng wild animals at tiyaking malinis at lutung-luto ang anumang karne upang maiwasan ang ganitong klase ng delikadong sakit. Hindi lang ito usapin ng panlasa—ito ay usapin ng kaligtasan.
- Latest