Tamang aksiyon tuwing may lindol
Noong Biyernes (Marso 28), isang magnitude 7.7 na lindol ang yumanig sa Mandalay, Myanmar. Halos kasing-lakas nito ang lindol na naganap sa Luzon noong Hulyo 1990. Para sa mga nakaranas ng lindol na iyan, alam ninyo kung gaano kalakas.
Nagdulot nang malawak na kapinsalaan sa Myanmar ang lindol. Nasa 1,600 na ang mga namatay pero marami pa ang hindi natatagpuan. Ayon sa mga awtoridad, siguradong tataas pa ang bilang ng mga namatay. Dahil sa kaganapang ito, nagkaroon ng tigil-putukan muna sa Myanmar. Kasalukuyang may digmaang sibil ang bansa magmula pa noong 2021.
Sa lakas ng lindol, naramdaman ito sa Bangkok, Thailand at isang itinatayong gusali ang gumuho roon. Labing-isa ang kumpirmadong patay sa Bangkok at 32 ang nasugatan samantalang 83 ang hindi pa natatagpuan.
Nakunan ng video at kumalat sa social media ang aktwal na pagguho ng gusali sa Bangkok. Mahirap isipin na kung trabahador ka sa gusali, makakaligtas ka sa ganyang pagguho. Ganunpaman, patuloy ang paghahanap sa kanila sa ilalim ng gumuhong konkreto.
Walang kalaban-laban ang tao sa lindol. Hindi alam kung kailan magaganap at kung gaano kalakas. May mga paraan para mabasa ang paggalaw ng lupa, pero ang aktwal na pagganap ng lindol ay hindi masasabi. Di tulad ng bagyo na puwedeng paghandaan.
Ang maaaring sanayin ay ang tamang aksiyon kapag nagsimula nang lumindol. Kapag nasa labas, humanap nang malawak na lugar malayo sa mga puno at poste ng kuryente. Kapag nasa loob ng tahanan o gusali, gawin ang “duck, cover, hold”. Dumapa sa sahig, sumilong sa ilalim ng matibay na mesa at hawakan ito hanggang tumigil ang pagyanig.
Ang mga lokal na pamahalaan ay may isinasagawang earthquake drills. Sundan para masanay nang husto.
Walang takas ang Pilipinas sa lindol. Nasa bahagi tayo ng mundo kung saan laganap ang lindol at pagsabog ng bulkan. Kaya makabubuting masanay sa emergency. Kahit malayo pa ang sentro ng lindol, dapat maging handa. Isipin na lang ang nangyari sa Myanmar at Thailand.
- Latest