47th anniv ng Pi Sigma Fraternity-La Union
GINUNITA ng Pi Sigma Fraternity-La Union province chapter ang 47th anniversary ng pagkatatag nito bilang provincial chapter noong Marso 1, 2025 sa pamamagitan ng pagtatanim sa Fish Sanctuary/Mangrove Protected Area ng Ilog Magsiping, sa Bgy. Sta. Lucia, Aringay, La Union.
Tinagurian itong “Pagtatanim para sa Sambayanan”, bilang isa sa mga pangunahing adbokasiya at kampanya ng mga kasapi ng Pi Sigma Fraternity-La Union. Pinamunuan ang pagtatanim ni dating Konsehal Ramsey Mangaoang ng Aringay, La Union, katuwang ang Local Government Unit-Municipal Agriculture Office-Aringay, Bantay Dagat, Dulao Mangrove Nursery, Sta. Lucia Fisherfolks Association at barangay council ng Sta Lucia.
Mahigit 500 mangrove saplings ang naitanim sa Mangrove Protected Area sa Ilog Magsiping sa Sta. Lucia, Aringay.
Mahigit dalawang dekada nang proyekto ng Pi Sigma Fraternity-La Union, kasama ang iba pang mga kapatiran at organisasyon sa Aringay ang pangangalaga sa bakawan. Naniniwala ang mga kasapi ng Pi Sigma Fraternity na ang bakawan ay mahalagang yaman ng kalikasan na maraming benepisyo.
Ang mga bakawan ay nagpuprotekta laban sa kalamidad. Pinagyayaman nito ang biodiversity, nililinis ang katubigan, at pag-iimbak ng carbon. Mahalaga sa ating kapaligiran at ekonomiya ang mga bakawan.
Sa pamamagitan ng tamang pangangalaga at pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa bakawan, naninindigan ang Pi Sigma Fraternity na maipamamana natin ang kagandahan at halaga ng mga bakawan sa susunod na henerasyon.
Upang maipalaganap sa buong bansa ang adbokasiya ng Pi Sigma Fraternity para sa kalikasan, ilulunsad ng Pi Sigma Fraternity Alumni Association, Inc. (PSFAA Inc.) ang pambansang kampanya nitong “Sigman Tree Planting Project/Save The Planet/Serve The People” sa Hunyo na lalahukan ng chapters nito mula Luzon, Visayas at Mindanao.
Ipinababatid ni Engr. Rey Solas Batomalaque, tagapangulo ng PSFAAI, na ang “STP” ay isang pambansang pagkilos ng “Sigmans” sa pagtatanim ng puno at pangangalaga sa kalikasan bilang makabuluhang ambag ng kapatiran sa lipunan.
* * *
Kung may reaksiyon o komento, i-email sa: [email protected]
- Latest