^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Boracay: Huwag hayaang katakutan

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL — Boracay: Huwag hayaang katakutan

BUKAMBIBIG ng mga dayuhang turista ang Boracay sa Malay, Aklan. Ito ang paboritong puntahan ng mga dayuhan dahil sa nakaaakit na puting buhangin at malinis na dagat. Halos lahat ng mga dayuhan kapag tinanong kung saang lugar pupunta sa Pilipinas, sa Boracay daw. Pangalawa na lamang ang Palawan, Siargao, Bohol, Puerto Galera at iba pang tourist destination. Tanging Boracay ang nasa isip nila.

Kaya nang ipasara ang Boracay noong Abril 2018 sa utos ni dating President Rodrigo Duterte, malaki ang nawalang revenue sa Aklan. Ipinag-utos ang pagpapasara dahil sa masamang amoy ng tubig na galing sa mga establisimento sa paligid ng resort. Inilarawan ni Duterte ang Boracay na isang “cesspool”.

Nakasisira umano sa ecosystem ng isla ang sewe­rage problem. Masama aniya ang amoy ng tubig ng Boracay dahil sa mga  lumalabas na basura. Isinara ang Boracay sa loob ng anim na buwan. Noong Oktubre 2018 muli itong binuksan sa publiko pero naghigpit na sa mga nagpaparuming establisimento. Isinaayos ang sewage system.

Nagdagsaan ang mga turista makaraang buksan ang sikat na beach resort. Bumalik ang sigla ng mga dayuhan. Sabik na tinungo ang Boracay at ninamnam ang ganda, kaayusan at katahimikan ng lugar.

Subalit muli na namang nagulantang ang mga tao nang mapabalita na isang babaing Slovakian national ang natagpuang patay sa isang abandonadong chapel. Ang babae, ayon sa pulisya ay hinihinalang ginahasa muna bago pinatay. Wala na umanong suot pang-ibaba ang dayuhan at nabubulok na ang katawan. Ayon pa sa pulisya, tatlong araw na umanong nawawala ang dayuhan na kinilalang si Michaela Mickova, 23, residente ng Hennan Lagoon Resort. Dumating umano sa bansa si Michaela noong Marso 1 para dumalo sa kasal ng isang kaibigan.

Kamakalawa sinabi ni Lt. Colonel Mar Joseph Ra­velo, hepe ng Malay Police na mayroon na silang dala­wang persons of interest (POI) na hinihinalang guma­hasa at pumatay sa turistang Slovakian. Ayon kay Ravelo, nakasalamuha ng biktima ang dalawang POI.

Ang mabilis na pagkilos ng pulisya para madakip ang mga suspect ay nararapat. Maghahatid ng takot sa mga dayuhang turista ang nangyari at maaaring maging dahilan para iwasan ang sikat na Boracay. At kung mangyayari ito, malaking kabawasan sa tinatamasang kasikatan ng Boracay. Hindi dapat bitawan ng mga awtoridad ang paghahanap sa mga may kagagawan sa panggagahasa ay pagpatay sa dayuhan na ayon sa mga tagaroon ay mabait at palakaibigan. Ilang beses na rin umanong pabalik-balik sa Boracay ang biktima.

BORACAY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with