Lalaki sa U.S., aksidenteng nabaril ng kanyang aso!
Isang lalaki ang tinamaan ng bala sa hita habang mahimbing na natutulog nang aksidenteng makalabit ng kanyang alagang aso ang gatilyo ng baril.
Ayon sa ulat ng Memphis Police Department, naganap ang insidente dakong alas-kuwatro ng madaling araw noong Lunes (Marso 10), sa tahanan ng biktima sa Whitney Avenue sa Memphis, Tennessee.
Sa salaysay ng hindi pinangalanang lalaki, nasa kama siya kasama ang isang babaeng kaibigan nang biglang lumundag sa higaan ang kanyang isang taong gulang na pit bull na si Oreo.
Sa hindi inaasahang pangyayari, sumabit ang paa ng aso sa trigger guard ng baril na nasa tabi nila at aksidenteng nakalabit ang gatilyo. Tumama ang bala sa kaliwang hita ng lalaki.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad at medical personnel at binigyan ng first aid ang lalaki bago dinala sa ospital.
Matapos ang pagsusuri, idineklarang nasa maayos na kondisyon ang biktima at hindi na kinakailangang sumailalim sa operasyon.
Dahil sa pangyayari, nangako umano ang lalaki at ang kanyang kasamang babae na mas magiging maingat na sila sa paghawak ng baril sa loob ng bahay.
Bagama’t laganap ang kaso ng pamamaril sa U.S., bibihira ang mga insidente kung saan mismong hayop ang nakakadisgrasya gamit ang baril.
Noong 2023, isang German shepherd sa Kansas ang nakapatay sa kanyang amo matapos matapakan ang gatilyo ng isang hunting rifle.
Noong 2018 naman, isang lalaki mula sa Iowa ang nabaril sa hita ng sarili niyang alagang pit bull-Labrador mix habang naglalaro sila.
Sa kabila ng mga ganitong insidente, patuloy na nananatiling maluwag ang batas sa pagmamay-ari ng baril sa U.S. Ayon sa isang pag-aaral noong 2018, mas marami pa umano ang bilang ng mga baril kaysa sa populasyon ng buong bansa, na umaabot sa mahigit 340 milyon.
Samantala, ayon sa non-profit organization na Brady: United Against Gun Violence, mula pa noong 2019, ang hindi sinasadyang pagkakaputok ng baril ang isa sa mga pangunahing dahilan ng gun-related accidents sa U.S.
- Latest