Kalupitan sa hayop
WALANG anumang dahilan, biglang sinipa ng isang dayuhang Chinese ang pusang lumalaboy sa Ayala Triangle. Namatay ang pusa. Dahil nakunan sa CCTV, dinala ang Chinese sa barangay. Ngunit nasindak ang taga-barangay. Tumanggi ang Chinese na ibigay ang kanyang tirahan at sinabihan ang taga-barangay na sumulat sa China embassy. Pinalaya na lang ang Chinese. Bakit pinalaya?
Ang ginawa ng Chinese ay paglabag sa Republic Act 8485 (Animal Welfare Act of 1998). Dapat kinasuhan at ikinulong ang Chinese. May immunity ba siya para palayain? O may iba pang dahilan para palayain?
Pipigilan ko ang aking sarili sa pagsasabi ng mga mapanlait na bagay tungkol sa halimaw na Chinese. Mayroon akong adbokasiya sa pagliligtas ng mga hayop na nangangailangan, kaya ang pangyayaring ito ay ikinagalit ko nang husto. Ang pusa ay hindi nakaaabala kaninoman at bahagi na ng komunidad na iyon. Kaya para sipain na lang ng Chinese nang walang dahilan ay hindi katanggap-tanggap.
Ngunit ang mas hindi katanggap-tanggap ay pinalaya siya. Ngayon ay may panawagan para pangalanan, hanapin, arestuhin at kasuhan. Dapat sa barangay ginawa iyon. Kailangan ipaliwanag ng barangay ang pagpapalaya sa kanya.
Hindi ko maintindihan ang sunud-sunod na kalupitan sa mga hayop. Pinana ang asong si Tiktok ng limang beses sa Negros Occidental. Nagpapagaling na ang aso ngunit mangangailangan ng pangmatagalang pangangalaga. Hanggang ngayon, hindi pa nahuhuli ang salarin. May pabuya na nga para sa makapagtuturo sa taong pumana kay Tiktok.
Sa Mandaluyong City, pinana naman ang isang pusa. Hindi pa rin nakikilala ang salarin. Ano ang ginawa ng mga hayop na ito upang saktan? Mahirap na nga ang kani-kanilang buhay sa lansangan para saktan pa sila ng ganyang walang dahilan.
May panawagan na magpasa ng bagong bersiyon ng RA 8485 upang gawing mas mabigat ang parusa sa mga lalabag nito. Mas malalaking multa at mas mahabang panahon ng pagkakakulong. Sang-ayon ako rito.
Mahuli sana ang Chinese na sumipa at nakapatay ng pusa. Hindi siya dapat i-deport. Dapat siyang kasuhan at makulong dito sa Pilipinas. Sana mahuli rin ang iba pang salarin. Kailangang matigil ang kalupitan sa hayop.
- Latest