Lalaki sa China, naospital dahil sa madalas na pangungulangot!
Isang lalaki sa China ang kinailangang isailalim sa emergency surgery matapos pumutok ang isang artery sa kanyang mukha dahil sa labis na pangungulangot. Ang tila simpleng bisyo ay nauwi sa matinding problema, dahilan para maranasan niya ang matinding nosebleeding na hindi mapahinto.
Ayon sa asawa ng hindi pinangalanang lalaki, matagal nang kinahihiligan ng kanyang mister ang pangungulangot. Ginagawa niya ito kahit saan at kahit anong oras. Nakaupo man, nakatayo, o kahit nakahiga sa kama, palagi niyang kinakalikot ang kanyang ilong na tila ba isang libangan.
Ngunit nitong huli, nagkaroon na ng masamang epekto ang kanyang “bisyo”.
Isang araw, habang abala ang lalaki sa paghahalukay ng kanyang ilong, bigla na lamang siyang nakaranas ng matinding pagdurugo.
Noong una, inakala nilang karaniwang nosebleed lang ito, kaya’t sinubukan nilang pigilan gamit ang panyo at pagpapatong ng yelo.
Gayunman, kahit anong gawin nila, hindi tumigil ang pag-agos ng dugo. Dahil dito, napilitan silang pumunta sa ospital upang humingi ng agarang medikal na tulong.
Sa ospital, natuklasan ng mga doktor na naputol ang isang artery sa kanyang mukha, dahilan ng hindi mapigilang pagdurugo.
Agad isinailalim sa emergency surgery ang lalaki upang maisaayos ang nasirang ugat at mapigilan ang patuloy na pagkaubos ng dugo.
Samantala, hindi napigilan ng kanyang asawa na gawing biro ang sitwasyon matapos ang operasyon.
Sa isang video na kanyang ibinahagi online, makikitang nakahiga ang lalaki sa kama ng ospital habang nagpapagaling, kasabay ng pabirong tanong ng kanyang misis, “Mahal, bakit hindi ka na nangungulangot? Sige nga, subukan mo ulit!”
Ayon sa mga eksperto sa kalusugan, bagaman tila walang malubhang epekto ang pangungulangot, maaari itong magdulot ng seryosong problema kung hindi iiwasan.
Bukod sa posibilidad ng impeksiyon, maaaring masira ang lining ng ilong, mapinsala ang mga blood vessel, at sa matinding kaso, tulad ng nangyari sa naturang lalaki, maaaring pumutok ang isang ugat sa loob ng nasal cavity.
Kaya para sa mga mahilig mangulangot diyan, maghinay-hinay! Baka sa halip na ginhawa, ospital ang inyong kahantungan!
- Latest