Lalaki sa India, idinemanda ang sinehan dahil masyadong maraming patalastas!
Isang 31-anyos na abogado sa Bangalore, India ang nagwagi sa kanyang demanda laban sa isang malaking movie theater chain matapos masayang ang kanyang oras sa panonood ng mga patalastas bago ang mismong pelikula!
Ayon sa mga ulat, naabala si Abhishek M R nang maantala ang panonood niya ng pelikulang “Sam Bahadur” dahil sa sunud-sunod na patalastas bago magsimula ang mismong pelikula.
Sa pagbisita niya sa isang PVR multiplex noong Disyembre 26, 2023, inaasahan ni Abhishek na magsisimula ang pelikula sa tamang oras batay sa schedule. Ngunit nagbago ang takbo ng gabi nang mapalitan ang inaasahang simula ng pelikula ng halos 30 minutes na mga patalastas.
Ang mga naturang patalastas ay ilang public service announcements at mga ads ng iba’t ibang produkto. Dahil dito, natapos ang pelikula ng 1 oras na late sa orihinal na schedule, dahilan upang mapagpaliban ang isang importanteng tawag sa trabaho.
Dahil sa nasabing aberya, isinaalang-alang ni Abhishek na ito ay isang halimbawa ng “unfair trade practice” at idineklarang nasayang ang kanyang oras at naging sanhi ng labis na stress.
Hindi lamang basta reklamo ang kanyang inilatag, pinursige niya ang kaso sa Bangalore District Consumer Disputes Redressal Commission. Matapos ang maingat na pagdinig, naglabas ng hatol ang korte pabor kay Abhishek.
Hinatulan ng korte ang PVR INOX na bayaran nito si Abhishek ng danyos na umabot sa Rs 20,000 (P13,000) dagdag pa ang Rs 8,000 (P5,200) para sa legal na gastusin.
Bilang parusa sa hindi makatarungang gawain, ipinataw din sa sinehan ang multa na Rs 1 lakh (P5.7 million) na direktang ideposito sa Consumer Welfare Fund ng gobyerno.
Hindi rin nakaligtas sa desisyon ang kasalukuyang sistema sa pagbebenta ng tiket. Inutos ng korte na dapat ng ipakita sa ticket ang eksaktong oras ng pagsisimula ng pelikula kung saan hindi isinasama ang dagdag na panahon para sa mga patalastas.
Ipinunto ng korte na sa modernong panahon, ang oras ay itinuturing na mahalagang kayamanan at hindi dapat sinasayang ng anumang negosyo.
Sa kabila ng argumento ng PVR INOX na ang pagpapalabas ng ilang public service announcements ay legal at kinakailangan, binigyang-diin ng korte na may hangganan ito at dapat ay aabot lamang ng 10 minutes ang mga ito.
Ang sobrang patalastas ay, ayon sa kanila, hindi makatarungan para sa mga manonood na busy ang schedule.
Ang tagumpay ni Abhishek ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng consumer rights sa bansa. Maging ang iba pang negosyo ay sinasabing muling isasaalang-alang ang pagpapahalaga sa oras ng kanilang mga kustomer, upang maiwasan ang pag-abuso sa kanilang tiwala at mapanatili ang patas na pakikitungo.
Sa huli, naging mahalagang aral ang kasong ito para sa buong industriya ng sinehan—na ang bawat minutong ginugugol ng mga manonood ay dapat pahalagahan at hindi basta-basta dapat ipagkait ng anumang negosyo.
- Latest