^

PSN Opinyon

Sinusuri tayo ng China

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

MAY video ng isang Chinese helicopter na mapanganib na lumilipad malapit sa Cessna 208B Grand Caravan EX ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) noong Martes. Makikita kung gaano kalapit ang Chinese helicopter sa dulo ng pakpak ng eroplano ng BFAR.

Kung nagkatamaan kahit kaunti ang dalawang sasak­yang panghimpapawid ay magiging sanhi na mawalan ng kontrol o maging sanhi ng pagbagsak ng isa o pareho.

Isang diplomatikong protesta ang inihain para sa pina­ka­bagong agresibong hakbang na ito ng mga Chinese.

Ito ang pinakabagong taktika ng pananakot na ginawa ng mga Chinese. Wala nang katapusan. Ginamitan na tayo ng water cannon, mga laser na nakatutok sa ating mga barko at ngayon, mapanganib na aerial maneuvers.

Tila sinusuri ng mga Chinese kung kailan bibigay ang ating mga tauhan kung saan tayo ang mauunang gagamit ng karahasan. Lalabas na tayo ang nanggugulo at ang China ang biktima. Kating-kati na sila mangyari iyan.

Ngunit kailan titigil ang mga aksyon ng China hindi lamang sa mga sasakyang panghimpapawid o sasakyang pandagat ng gobyerno kundi laban sa ating mga mangi­ngisda?

Ang napakaraming diplomatikong protestang inihain ng mga nakaraan at kasalukuyang administrasyon ay bina­balewala lamang kung hindi pinagtatawanan ng Beijing. Ang sitwasyon ay hindi nakatulong sa paglapit ni Duterte kay Chinese President Xi Jinping at paglayo sa U.S.

Binalik naman ng kasalukuyang administrasyon ni Pres. Bongbong Marcos Jr. ang pagiging malapit sa U.S. Mabuti naman. May mga plano para magkita si Marcos at U.S. Pres. Donald Trump sa lalong madaling panahon upang pag-usapan ang seguridad at palakasin ang ugna­yang pang-ekonomiya.

Pero wala pang kasiguraduhan kung kailan magaganap. Si Trump ay nahaharap sa maraming batikos at kaso dahil sa mga kontrobersiyal na ehekutibong utos na isinusulong at pinatutupad ng pinakamayamang tao sa planeta, si Elon Musk.

Marami ang basta na lamang tinatanggal sa trabaho at isinasarang mga ahensiya ng kanilang gobyerno.

Walang sagot ang Pilipinas sa patuloy na panggigipit at pambu-bully ng China sa West Philippine Sea maliban sa walang pangil na mga diplomatikong protesta.

At oo, mayroong West Philippine Sea, taliwas sa kung ano ang sasabihin ng sinuman. Kung igagalang ni Trump ang Mutual Defense Treaty (MDT) kasama ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ay wala pang katiyakan.

Sa ngayon, kailangan lang nating magtiis habang patuloy na inuubos ng China ang ating pasensiya. Mayroon na tayong sundalong nasaktan dahil sa kanilang pangha-harass.

Kung ang mga sundalo naman kaya natin ang humawak ng itak at palakol, matuwa kaya sila?

BFAR

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with