Ramen shop, nag-alok ng pabuya sa makakapagbigay ng impormasyon tungkol sa namintas sa kanilang ramen!
Imbes na tumanggap ng kritisismo, isang sikat na ramen shop sa Japan ang nag-alok nang malaking pabuya para sa impormasyon at pagkakakilanlan ng dalawang customer na nagbigay ng masamang review sa kanyang restaurant.
Ang ramen shop na TOYOJIRO ay isa sa mga pinaka-top-rated na Jiro-style ramen restaurants sa Kyoto. Nang makatanggap ng negatibong feedback mula sa ilang costumer sa Google reviews, nagdeklara ng “manhunt” ang may-ari nito laban sa mga nagreklamo!
Sa isang post sa social media, mababasa na nagbanta ang may-ari ng TOYOJIRO. Aniya, “Kung may isusulat kang walang kuwentang review, tutugisin ka namin. Bugbog ang aabutin mo.”
Bukod sa pagbabanta, nag-alok din ito ng 100,000 yen (mahigit P37,000) na pabuya sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon tungkol sa dalawang nagbigay ng bad review.
Sa kanyang Instagram account (@toyojiro.toyota), sinabi pa niyang hindi niya mapapatawad ang mga custumer na iyon maliban na lang kung babalik sila, muling kakain, at magpo-post ng positibong review na may kasamang larawan.
Dahil sa matinding pahayag ng may-ari, marami ang nabahala, at ang ilan ay naglabas ng sariling karanasan sa nasabing ramen shop.
Ayon sa ilang netizens, mahigpit umano ang patakaran ng TOYOJIRO. May mga patakaran umano sa restaurant kung saan bawal kuhanan ng litrato ang menu at ipost ito online.
Ang mga lalabag ay pinagbabantaan na isisiwalat ang kanilang pangalan at larawan sa internet. May ilan din na nagsabi na masyadong seryoso at hindi friendly ang mga tauhan sa kanilang restaurant.
Ayon sa TOYOJIRO, seryoso sila sa pagpapabuti ng quality ng kanilang ramen at sineseryoso nila kapag may gustong manira sa kanilang reputasyon.
Napabalitang nagbabalak sila na mag-expand sa ibang bansa sa Asya at United States kaya ganito sila kaagresibo pagdating sa mga opinyon tungkol sa kanilang ramen.
Kilala ang mga Jiro-style ramen restaurants sa kanilang istriktong serbisyo, pero maraming netizens ang nagsasabing sumobra na ang ginawa ng TOYOJIRO.
Maraming netizens ang nananawagan ng aksyon mula sa mga awtoridad upang matigil ang ganitong klase ng pagtrato sa mga customers.
- Latest