EDITORYAL - Kapag ex-Pres ang nagbiro…

Nagbibiro lang daw si dating President Rodrigo Duterte nang sabihin nito sa isang campaign rally ng PDP-Laban sa San Juan noong nakaraang linggo na papatayin ang 15 senador para sure na makapasok ang mga kaalyado niyang senador. Bukod sa sinabing papatayin, may sinabi ring pasasabugin ang dating Presidente. Sabi ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa noong Lunes, “Kilala naman natin si President Duterte kung paano ‘yan magsalita at magbiro. Kung may balak siyang patayin eh bakit sasabihin pa niya in national TV?”
Nag-react naman si dating Presidential legal counsel Atty. Salvador Panelo nang sampahan ng kasong sedition ng CIDG si dating President Duterte. “It is a foolish filing of case,” sabi niya. Una nang sinabi ni Panelo na nagbibiro lang ang dating Presidente. Bawal na raw bang magbiro sa bansang ito?
Hindi naman bawal magbiro sa bansang ito, pero kung ang biro o banta ay tungkol sa pagpatay o pagpapasabog kaya gaya ng binanggit ni Duterte sa rally, may batas na nakakasakop dito. Sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727 (Anti-Bomb Joke Law) aarestuhin at nahaharap sa pagkakakulong ng limang taon ang sinumang lalabag sa batas.
Pero may “butas” ang batas dahil ang mga karaniwang mamamayan lamang ang nahaharap sa kaparusahan at hindi ang matataas na opisyal ng pamahalaan gaya ng dating Presidente. Biro lang daw kasi yun.
Kaya ang mamamayan na nagbibiro ang dapat ikulong. Gaya halimbawa ng ginawang pagbibiro ng isang matandang babaing naka-wheelchair noong Agosto 2024 sa Daniel Romualdez Airport sa Tacloban City na may laman umanong bomba ang kanyang bagahe. Ayon sa report, malapit nang mag-takeoff ang eroplano nang sabihin ng babaing senior citizen sa flight attendant na kaya mabigat ang kanyang bagahe ay dahil bomba ang laman nito. Bilang bahagi ng standard operating procedure ay sinuspinde ang proseso ng boarding at inaresto ang matanda at dinala sa tanggapan ng PNP Aviation and Security Group at isinailalim sa masusing imbestigasyon. Kinasuhan ang matanda.
Noong Okt. 26, 2023. Isang pasahero rin ng eroplano ang nag-bomb joke nang hindi makasama sa flight patungong Tacloban. Habang nasa Terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nag-joke ang pasahero na:
“Sarap pasabugin ng eroplano nyo.” Inaresto ang pasahero at kinasuhan ng mga awtoridad.
May malaking pagkakaiba sa bansang ito kapag ang nagbiro ay dating Presidente at karaniwang mamamayan. Kapag karaniwang tao ang nagbiro, deretso sa kalaboso. Hindi ito joke.
- Latest