Hindi gagawa ng batas, wow!
Medyo napanganga ako sa sinabi ng isang senatorial candidate na kilalang celebrity sa isang TV interview.
Lubha na raw tayong maraming batas kaya ang konsentrasyon niya kapag nanalong senador ay ang pagtulong sa mga nangangailangan tulad ng kanyang dating ginagawa sa popular niyang game show.
Nakaka-wow naman ang pahayag na ito. Kaya mayroong mambabatas ay para gumawa ng batas. Kung pagtulong sa nangangailangan ang misyon niya sa mundo, e di sana executive position ang kanyang pinuntirya.
Lubha na raw maraming batas. Naku, hindi natatapos ang pangangailangan sa batas dahil nagbabago ang mundo at umuunlad ang teknolohiya. Lagi tayong mangangailangan ng bagong lehislasyon upang umakma sa pagbabago ng panahon.
Hindi sa ako ay nagmamaliit ng sino man. Pero dapat tiyakin ng isang kumakandidato na ang kanyang ability o talents ay akma sa posisyon na hinahabol niya. Ina-appreciate ko ang pamumudmod ng biyaya ni game show host Willie Revillame.
Marami siyang natulungang mahihirap. Maraming scholars na pinag-aral. Pero sana, tumakbo na lang siyang governor o mayor. Sa ganyang elective position, hindi niya kailangang gumawa ng batas pero direkta siyang makapagbibigay ng tulong sa mahihirap.
- Latest