Aringay, La Union ex-mayor, hina-harass ng CIDG!
Nagreklamo ang kampo ni ex-Mayor Napoleon Ong ng Aringay, La Union kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil na hina-harass uamno sila ng mga kapulisan. Sa text message nila kay Marbil, sinasabi ng kaalyado ni Ong na ang kanilang bahay sa Aringay ay binabalak salakayin ng taga-CIDG dahil sa mga baril. “All guns are licensed naman po,” sabi ng kampo ni Ong. “Sir, kindly help us on this to persuade the powers that be in La Union not to weaponize their power and the election season to harass their former (J Karen’s mom-who is a cancer survivor but still on continuous medication was a 3- termer mayor of Aringay, La Union po) contender in politics,” anang text message. “We really need your assistance chief,” ang dagdag pa ng text message kay Marbil. Hehehe!
Ang itinuturo na nasa likod ng pangha-harass sa mga Ong ay si Eric Sibuma, ang incumbent mayor ng Aringay. Tsk tsk tsk! Pulitika na naman? Siyempre, kaalyado raw ni Sibuma si Maj. Gen. Ronald Lee, ang director ng Philippine National Police Training Institute sa Canlubang, Laguna. Ayon sa text message, si Lee ay asawa ng incumbent Bauang Mayor Bong Lee. Teka, teka, kandidato pa lang si Mrs. Lee ah, di ba mga kosa? Ang kumakalat na Marites sa Aringay at Bauang, si Justice Angelita Miranda, ang Assistant Solicitor General sa Office of the Solicitor General ang nag-text kay Marbil. Kasama ni Miranda sa OSG ang anak ni Ong na si Justice Karen Ong. Ehem, ehem! Anong sey n’yo mga kosa?
Kaya lang, hindi naman sinabi ni Miranda sa kanyang text message kay Marbil na itong matandang Ong ang primary suspect sa pagpaslang kay Oscar Acosta Butial, 58, na safety officer ng construction firm na Coreline Builders, na nakabase sa Bauang. Nakalagay sa report na pirmado ni Maj. Martin Angcan na ginulpi ng matandang Ong, kanyang anak na si Reggie at mga trabahdor si Butial dahil sa hindi pagkakaunawaan sa pagkarga ng steel beam sa pickup ng construction firm. Si Reggie ay tumakbo sa loob ng bahay, at paglabas ay hawak ang isang rifle na itinutok kay Butial subalit hinarang ng tatay. Ilang beses ding pinaputukan sa lupa ni Reggie ang mga nagtakbuhang si Butial at mga kasamahan. Si Butial ay namatay sa ospital. Hayan mga kosa, sa tingin n’yo ba dapat lang ma-raid ng CIDG ang bahay ng ex-mayor dahil sa baril? Eh di wow!
May isa pang insidente sa compound ng mga Ong na nangyari naman noong nakaraang taon kung saan tinutukan ni Roberto Ong ang aircon workers dahil sa hindi pagkakasundo sa bayad. Tinutukan ni Roberto ng pistol ang limang workers sabay akusa na, “hinoholdap n’yo ako,” ayon sa report na pirmado ni MSgt. Jonathan Caburian ng Aringay police. Siga pala ang mga Ong sa Aringay at hobby na ang panunutok ng baril, ‘no mga kosa? Wait natin mga kosa kung ano ang reaction ni Marbil sa text message ni Miranda, habang nangako naman ang dalawang congressman ng La Union na tututukan nila ang kaso ni Butial.
Abangan!
- Latest