Duterte kinatatakutan pa rin
MARAMING beses nang may mga nagbiro na may bomba sa mga pampublikong lugar, partikular sa mga eroplano at sila’y inaresto at kinasuhan. Kahit biro lang, siniseryoso ito ng batas sa ilalim ng Presidential Decree 1727.
Ngunit papaano kung may nagbirong may papataying tao? Tingin ko mas nakatatakot ang birong ito lalo pa’t nanggaling sa labi ng isang dating Presidente na hangga ngayo’y may impluwensiya pa.
Pero ang nasabi kong decree ay para lamang sa “bomb joke” at walang espesipikong pagsaklaw sa pagpatay ng tao.
Kaya marahil malakas ang loob ng mga Duterte apologists na ang pahayag ng dating Presidente na patayin ang 15 senador ay “bulaklak “ lang ng kanyang dila at hindi dapat seryosohin.
Maging ang ilang senador at opisyal na nasa panig kuno ni Presidente Bongbong Marcos ay nagsasabing ito’y biro lang ng dating Presidente.
Nang sabihin ito ni Duterte sa proclamation rally ng mga senador ng PDP-LABAN, sarkastiko ang kanyang tono at ekspresyon. Wala siyang sinabing “joke lang”.
Hindi kataka-taka kung ang dumidepensa sa kanya ay mga taong sunud-sunuran sa kanya ngunit kung ito’y mula sa labi mismo ng mga senatorial bets ni Bongbong, kaduda-duda ang kanilang loyalty.
Parang ang kanilang reaksiyon ay pamamangka sa dalawang ilog.
Puwede rin namang ito’y bunsod ng takot dahil kilalang terror ang dating Presidente. Pati si NBI Director Jimmy Santiago na siyang dapat magsiyasat sa kontrobersyal na pahayag ni Duterte ay tila ba inabsuwelto na sa liability si Duterte. Sinabi niya na estilo lang ng pagsasalita ni Duterte ang sinabi.
- Latest