Simula na ng kampanya at batuhan ng putik!
NAG-UMPISA na ang kampanya ng mga kandidato sa pagka-senador at party-list noong Nobyembre 11. At nagsimula na rin ang batuhan ng putik at mga maaanghang na salita. Sabagay bahagi ito ng kampanya at walang makapipigil sa mga kandidato na magsalita laban sa kalabang kampo.
Unang naglarga si President Ferdinand Marcos Jr., ng kanyang mga kandidato noong Martes sa ginawang campaign rally sa Ilocos Norte Centennial Arena na dinagsa ng mga tao.
Ipinagmalaki ni Marcos na wala sa mga kandidato ng administrasyon ang may bahid ng dugo dahil sa extrajudicial killings, nagbulsa sa pera ng bayan at nagpanggap na propeta subalit nambibiktima ng mga bata at kababaihan.
Wala rin aniya sa mga kandidato ng administrasyon ang pumapalakpak habang binobomba at inaabuso ng China ang mga Pilipino na mangingisda sa West Philippine Sea.
Buwelta naman ni dating President Digong nang magdaos ng rally sa Club Filipino sa San Juan City noong Huwebes, patuloy aniya ang pagmahal ng bilihin lalo na ang bigas na hindi bumaba sa P20 gaya ng pinangako noong nangangampanya.
Sabi pa ni Digong, si Marcos ay talaga raw gumagamit ng illegal na droga. “Marcos will be crazy. Maaring maabot niya ang edad na 80, subalit pagdating ng panahong ‘yan hindi na siya makakakilos. Maaring nakatayo na lang siya sa kanyang room o natutulog.”
Sabi pa ni Digong, “Paano makapagtrabaho nang maayos itong bangag na Presidente sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin at di pagtupad na mapababa ang presyo ng bigas.”
Hindi rin pinalampas ni Digong ang kapalpakan sa 2025 budget.
***
Samantala, hindi tinatantanan ni CIDG director MGen. Nicolas Torre III ang paghahanap sa loose frearms na nasa kampo ng mga pulitiko.
Sa ngayon, matiwasay pa ang kampanyahan subalit pagdating na sa local campaign, tiyak mangingibabaw ang karahasan. Samsamin ang mga baril upang maiwasan ang pagdanak ng dugo sa pagitan ng mga magkakalabang pulitiko.
At tiyak mangyayari ang pagdanak ng dugo kapag umarangkada ang kampanyahan ng mga tatakbo sa pagka-governor, mayor, vice mayor, at congressmen.
- Latest