EDITORYAL — Patay tayo diyan!

PINASISILIP sa National Bureau of Investigation (NBI) ang “kill threat” ni dating President Rodrigo Duterte sa 15 senador para makapuwesto ang siyam na kandidatong senador ng PDP-Laban sa May 12, 2025 elections. Ang “kill threat” ay sinabi ng dating Presidente sa proclamation rally ng PDP senatorial bets sa Club Filipino, sa San Juan City noong Pebrero 13.
Ayon kay Duterte, makapatay lamang sila ng 15 senador ay makakapasok na silang lahat. “Marami kasi sila, ano ang dapat gawin natin? E di patayin natin ‘yung mga senador ngayon para mabakante,’’ anang dating Presidente.
May dinugtong pa si Duterte, “Pero kawawa naman. Pero nakakainis kasi, hindi naman lahat. Talking of opportunities, the only way to do it is to pasabugin na lang natin ‘yang ano.”
Kahapon, sinampahan ng kaso sa Department of Justice si Duterte dahil sa pagbabanta na papatayin ang 15 senador. Halos nagkakapareho ng kapalaran ang dating Presidente at kanyang anak na si Vice President Sara Duterte nang sampahan ng kaso ng NBI noong nakaraang linggo dahil naman sa pagbabantang ipapapatay si President Bongbong Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez noong Nobyembre 23, 2025.
Hindi na bago ang “pagpatay” na naging bukambibig na ng dating Presidente mula nang maupo noong 2016 hanggang 2022. Pawang “patay-patay” ang naririnig sa kanya.
Noong Disyembre 15, 2016, inamin mismo ni Duterte na tatlong tao ang pinatay niya habang siya ay mayor ng Davao City. Binaril umano niya ang mga ito. Kapag daw nagmomotorsiklo raw siya sa Davao ay talagang naghahanap siya ng gulo para siya makapatay.
Noong Pebrero 2, 2017, sinabi ni Duterte na dadagdagan pa niya ang mga napatay sa isinasagawang drug campaign. Tatlong libong drug suspects na raw ang napapatay pero dadagdagan pa niya para maubos na ang mga nagtutulak ng droga.
Noong Set. 27, 2018, inamin ni Duterte sa isang talumpati na siya ang may kargo sa extrajudicial killings sa bansa. Siya raw ang nag-utos. At ang tanong niya: “Ano ang kasalanan ko? Nagnakaw ba ako kahit peso? Mayroon ba akong ipinakulong? Ang kasalanan ko ay extrajudicial killings!”
Pawang patay ang narinig sa dating Presidente. Sa loob ng anim na taong panunungkulan, halos “patay” ang maririnig sa kanya. Mas nakalalamang ang patay. Hanggang ngayon, patay pa rin ang maririnig sa kanya at wala nang iba.
Patay tayo diyan!
- Latest