San Pascual, Batangas, pugad ng ‘paihi’!
NALUGI ng aabot sa P120 milyon ang negosyante na nasa likod ng oil smuggling o “paihi” na ni-raid ng mga awtoridad sa Subukin Port, Bgy. Subukin, San Juan, Batangas nitong buwan.
Sinabi ng mga kosa ko na sobrang mahal ang barkong M/T Feliza na nakumpiska ng mga police, Customs at BIR raiders at 11 trucks na ginagamit sa pagdeliber ng murang gasoline o diesel products.
“Ha-ha-ha! Buti nga,” ‘yan ang nasambit ni CIDG director Maj. Gen. Nicolas Torre III nang iparating sa kanyang kaalaman na milyones ang nalugi ng negosyanteng nasa likod ng “paihi.”
Ayon kay Torre, nagsasagawa pa sila nang malalimang imbestigasyon para alamin kung sino ang may-ari ng mga nakumpiskang gasolina, barko at mga truck. Hindi pa masabi ni Torre kung anong kaso ang isasampa nila sa korte.
Puwede na siguro ang economic sabotage, di ba mga kosa? Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Subalit kung tatanungin naman ang mga taga-media sa Calabarzon, ang nagpapatakbo o kasosyo sa na-raid na “paihi” ay isang alyas Jack Ma. Lilinawin ko lang mga kosa na hindi si Jack Ma na founder ng negosyong Ali Baba sa China ang tinutukoy. Sanamagan!
Kung sabagay, hindi lang naman sa Subukin Port may “paihi” operation sa Batangas, ayon sa mga kapwa ko media, kundi maging sa Banaba West, Banaba South at sa Bgy. Simlong sa Batangas City, na pinapatakbo nina Dondon Alahas at Rico Mendoza. Eh di wow!
Hindi lang ‘yan, marami ring bodega ng “paihi” sa Bypass Road sa San Pascual at mukhang inutil ang lokal na kapulisan sa pamumuno ni Maj. Ricky Fornolies na kandaduhan ang mga ito.
Teka, teka, bakit kaya hindi maikumpas si Batangas provincial director Col. Jack Malinao ang kanyang kamay na bakal sa “paihi” sa hurisdiksiyon niya? Abayyy kilatisin mo nga ang “paihi” sa Batangas, Gen. Torre Sir! Ang sakit sa bangs nito!
Sinabi naman ni PRO4-A director Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas na hindi si Jack Ma ang nasa likod ng mga “paihi” sa San Pascual kundi ang isang Mr. Que na isang Taiwanese-Chinese. Abayyy labs ni Lucas si Jack Ma ah.
Subalit itong si Mr. Que ay nitong nakaraang mga araw lang nag-operate sa Subukin Port dahil dati itong pinaaandar ni Dondon Alahas, ani Lucas.
Ang siste, mukhang nasulot ni Mr. Que si Dondon Alahas kaya ang huli na mismo ang ginawang “asset” ng mga raiders para salakayin ang dati niyang puwesto. Get’s n’yo mga kosa?
Parang kulang lang sa timbre si Mr. Que kaya na-raid ang puwesto niya sa Subukin Port. Ano sa tingin n’yo mga kosa? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Samantala, malakas ang kutob ng mga residente na ang nasunog na compound sa San Pascual ay imbakan din ng “paihi”. Walang business permit ang nasabing imbakan ng flammable materials at ni minsan ay hindi pumasailalim sa inspection, ayon kay Fire Sr. Insp. Melvin Vinson.
Ayon kay Vinson, nakalagay sa plastic drum ang mga krudo at exposed ito sa hangin, na hindi naaayon sa kanilang safety standards. Araguyyy!
Ayon naman kay Bgy. Bayanan chairman Medel Medrano napansin nilang itinaas ang bakod ng compound noong Disyembre!
Abangan!
- Latest