^

PSN Opinyon

GSIS, serbisyong may hatid na bagong simula at pag-asa

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
GSIS, serbisyong may hatid na bagong simula at pag-asa
Ang mga miyembro ng GSIS Board of Trustees at ang kanilang mga Chief of Staff sa 2024 Annual Strategic Planning Session.

Para maabot ang target na dekalidad na edukasyon sa ating bansa, importanteng alagaan ang kapakanan at ingatan ang mga benepisyo na tinatanggap ng ating mga guro. Sila ang mga itinuturing na ikalawang magulang at gabay ng mga kabataang Pilipino, kaya dapat silang bigyan ng todo-suporta ng pamahalaan.

Bilang isang baguhang journalist noon, sa aking pag-cover sa Government Service Insurance System (GSIS) mahigit isang dekada na ang nakararaan, puno noon ng mga reklamo tungkol sa delay ng pensyon ng mga guro o kaya’y mga nawawalang dokumento na siyang dahilan ng kakulangan ng mga benepisyong kanilang natatanggap.   

Ngunit ngayon, malaki na ang ipinagbago ng GSIS.  Sa pamamagitan ng wastong paggamit ng pondo at teknolohiya, naipararating nila sa kanilang mga miyembro ang mga programa at serbisyo, para mas mapabuti ang kanilang buhay, pati na ang kanilang mga pamilya at komunidad.

Ang suporta na kaloob ng MPLs 

Ang Multi-Purpose Loan (MPL) Flex at MPL Lite ang dalawa sa pangunahing mga programa ng GSIS na siyang nagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga kawani ng gobyerno.

Bagama’t isang taon pa lamang mula nang ito’y inilunsad, nakabigay na ng P289 bilyon ang MPL sa humigit kumulang 1.2 milyong miyembro ng GSIS sa buong bansa.

Sa pangunguna ng kanilang presidente at general manager na si Wick Veloso, isang kilala at beteranong banker, ang GSIS ay nakapagbigay ng loans sa kanilang mga miyembro na katumbas ng 14 na buwang sahod nila, hanggang maximum na P5 milyon.  Bukod sa napakababang 6% na interes kada taon, magaan din ang terms of payment na puwedeng umabot ng hanggang 15 taon.

“Ang magandang pagtanggap ng mga GSIS member sa MPL Flex ay nagpapakita na epektibo ang programa at na may malaking pangangailangan para sa mas magaan at mas flexible na financial programs na aalalay sa mga GSIS member,” sabi ni Veloso.

Abot-kamay ang sariling tahanan

Maliban sa mga pautang, ang GSIS ay nangunguna rin sa pagbibigay ng pabahay sa mga miyembro nito. Sa ilalim ng Pabahay sa Bagong Bayaning Manggagawa (PBBM), ang ahensya ay nakapaghahatid ng oportunidad para magkaroon ng sariling tahanan ang mga kawani ng gobyerno.

 Katuwang ng 4H housing program ng administrasyon, ang GSIS ay nakatulong para magka-bahay ang mahigit limang libong Pilipino --- miyembro man o hindi --- dahil sa mga programa nilang pabahay  na tulad ng Lease with Option to Buy (LWOB)). 

Ang LWOB ang naging katuwang rin ng 3,360 pamilya upang magkaroon ng kanilang mga dreamhome.  Nitong Disyembre 2024, umabot na ng P2.84 bilyon ang kabuuang tulong na naihatid ng programa sa kanilang mga miyembrong nagnanais magkaroon ng sariling bahay.

Kasama ng mga programang tulad ng MPLs at pabahay, mas naging matatag din ang pondo ng ahensya sa pamamagitan ng maayos na pangangasiwa ng Board of Trustees nito.

Noong 3rd quarter ng 2024, ang kabuuang asset ng GSIS pension fund ay lumaki ng 8% o P1.8 trilyon, habang ang kanilang net income ay tumaas naman ng 58% o P120 bilyon.  Samantala, kung susumahin ang kanilang pangkalahatang revenues, 27% ang itinaas nito na umabot sa P258 bilyon, mula sa P204 bilyon noong nakaraang taon.

Dagdag pa rito, ang kanilang non-life insurance ay may ambag namang P8 bilyon, mas mataas ng 60% mula sa P5.5 bilyon noong 2023.

At noong Disyembre 2024, ang ahensya ay nakatanggap ng P428 milyon, P278 milyon, at P162 milyong pisong kita mula sa real estate lease, loans, at completed transactions.  Kasabay ng mas magandang performance ng GSIS ay ang mas magandang buhay din ng mga miyembro nito sa kani-kanilang indibiduwal na success stories.

Kaunlarang ramdam ng pamilya’t komunidad

Isa sa mga natulungan ng GSIS sa pamamagitan ng kanilang MPL Flex ay si Roland Daleon Satin, isang Master Teacher sa Mayo Crossing Elementary School sa Lucena.  Ginamit niya ang kanyang loan upang magtayo ng computer shop na tumutulong sa remote workers sa kanilang lugar. Nang magsimula ang blended learning, ibinaba niya ang kanyang singil upang matulungan ang mga estudyante. 

“Nakita ko ang pagkakataong tumulong sa mga estudyante habang nagbibigay din ng karagdagang kita para sa aking pamilya,” sabi ni Roland.

Madalas na dinadayo ng remote workers ang kanilang computer shop. At nang dumating ang blended learning, binigyan ni Roland ng diskwento ang mga estudyante para makasabay sila sa online modules.

“Sa paghahatid namin ng computer access at printing services sa mga estudyante, natutulungan namin silang ituloy ang kanilang edukasyon, habang bumubuo ng isang sustainable na business,” dagdag niya.   

Ginamit ni Roland Daleon Satin, isang Master Teacher sa mayo Crossing Elementary School sa Lucena City, ang kaniyang MPL Flex loan upang magpatayo ng computer shop para sa remote workers at students.

Sabi naman ni Veloso “Ang MPL Flex ay hindi lang tungkol sa pera.  Ito rin ay isang oportunidad na makatulong sa iba. Ang kaso ni Roland ay isang halimbawa kung paano nakatulong ang MPL Flex sa aming mga miyembro na magtagumpay, hindi lamang sa kanilang personal na buhay, kundi pati na rin sa kanilang mga komunidad.”

Si Mabel Perez naman ay isang benepisyaryo ng LWOB at kasalukuyang nagtatrabaho sa University of the Philippines College of Law.  Saksi rin siya sa mga abot-kayang presyong hatid ng mga programang-pabahay ng GSIS.  Sabi ni Perez, “Ito ang pinaka-madaling paraan para makabili ng bahay!”

Modernong serbisyo para sa publiko

Higit na nararamdaman ng mga miyembro ng GSIS ang mas pinaigting na serbisyo ng ahensya sa tulong ng modernisasyong bitbit ng digital platforms. Ngayon, kahit sinong miyembro ng GSIS ay maaari nang mag-apply ng loan online!  Sa tulong ng GSIS Touch Mobile app, madali nang mag-apply ng loan, at magmonitor ng aplikasyon at mga account ng mga miyembro anumang oras, 24/7.

Kasabay ng paglevel-up ng kanilang mga serbisyo, malinaw na mas ramdam ngayon ang papel ng GSIS bilang ka-partner ng mga kawani ng gobyerno sa pagtataguyod ng kanilang mga pamilya -- mula sa pagpapatayo ng kanilang mga tahanan, hanggang sa paghahatid ng tulong kung saan ito pinaka-kinakailangan.

----

Sundan ang aking social media accounts JingCastaneda:  Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok, and Twitter.  Magpadala ng iyong mga kuwento, tanong at rekomendasyon sa [email protected]. 

GOVERNMENT SERVICE INSURANCE SYSTEM

GSIS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with