^

PSN Opinyon

Usapang kalusugan, ating isapuso!

KasamBuhay - Jing Castañeda - Philstar.com
Usapang kalusugan, ating isapuso!
Stock image of blood pressure monitor and medicines.
Image by Steve Buissinne from Pixabay

Mga KasamBuhay, kumusta na ang puso niyo?

Mahalagang tanong po ito -- dahil kung titingnan natin ang datos kada taon, ang sakit na bumabawi sa buhay ng pinakamaraming Pilipino ay walang iba kundi ang heart disease at ito ang pinakamalaking kalaban natin. 

(L-R): Sina SwissChamPH Chairperson and Communications and Advocacy Head, Christine Fajardo; AHMC Doctors - Dr. Margarita Galicia, Dr. Joy Fontanilla, Dr. Beaver Tamesis (President and CEO); Novartis Country President Joel Chong; Switzerland Ambassador, H.E. Dr. Nicolas Brühl; mga doktor mula sa AHMC - Dr. Marc Del Rosario at Dr. Raymond Oliva; ang inyong kolumnista at moderator, Jing Castaneda; at si SwissChamPH Director of Operations Kent Primor.

Bilang host at moderator ng Unblocked Movement na serye ng mga forum tungkol sa kalusugan ng ating puso, muli tayong nagulat sa ilang mga bagong rebelasyon ukol sa lumalalang estado ng ating bansa pagdating sa cardiovascular diseases. Ang naging tema naman ngayon ay "Inspiring Conversations on Heart Health: Turning Second Chances to Lifelong Victories," sa pangunguna ng Novartis Healthcare Philippines, Asian Hospital and Medical Center (AHMC), at ng Swiss Chamber of Commerce of the Philippines (SwissCham PH), at kasama ang iba't ibang mga lider, policymaker, at advocates mula sa sektor ng kalusugan, para sa iisang layuning mailigtas ang buhay ng mas maraming Pinoy mula sa cardiovascular diseases (CVDs).

Sa gitna ng isyung ito, ang isa sa mga nangungunang dahilan sa pagtaas ng mga kaso ng atherosclerotic cardiovascular disease (ASCVD) sa ating populasyon: ang LDL-c, na mas kilala natin bilang "bad cholesterol."

Ang Swiss government at Novartis, magkasamang nakaagapay sa healthcare system ng Pilipinas.

Mababang kolesterol, mahabang buhay

Maraming paraan para mapigilan natin ang pagtaas ng bad cholesterol sa ating katawan. Pagdating sa ating diyeta o mga kinakain, bawasan natin ang saturated fats at trans fats. Ang saturated fats ay kadalasang makikita sa mga matatabang karne o mga dessert na hango sa gatas, samantalang hitik naman sa trans fats ang mga baked o maaalat na snacks na mabibili natin sa mga tindahan.

Pagdating sa lifestyle, itigil na ang paninigarilyo at ang madalas na pag-inom. Mga Kasambuhay, dapat memorized na natin 'yan!

Gaya ng paliwanag ni Mr. Joel Chong, ang Country President ng Novartis Healthcare Philippines, "rekomendasyon ng mga institusyon tulad ng Philippine Lipid and Atherosclerosis Society at iba pa na magkaroon dapat ng mas striktong target sa LDL-C levels ang mga may history ng heart attack, stroke, o may kondisyon sa puso."

"Ang target dapat ay 70 mg/dl para sa mga diabetic at may karagdagang risk factors, at 55 mg/dl naman sa mga heart attack o stroke victims," dagdag niya.

Mahalaga ang mga numerong ito, ayon kay Dr. Raymond Oliva, hypertension specialist ng AHMC. "Sa mga mataas ang kolesterol, kahit makalahati lamang ang lebel nito sa 50% ay malaking tulong na ito sa pag-iwas sa heart attack, stroke, at iba pang mga sakit sa puso," sabi ni Dr. Oliva.

(L-R, top row) Sina Dr. Joy Fontanilla, Diabetes Center Head, AHMC; Dr. Marc del Rosario, Cardiac Catheterization Laboratory Head, AHMC; Dr. Beaver Tamesis, President and CEO, AHMC; Dr. Margarita Galicia, Weight Management and Bariatric Center Head, AHMC, (L-R, bottom row) Novartis Philippines Country President Mr. Joel Chong; AHMC Hypertension Specialist Dr. Raymond Oliva; Swiss Ambassador to the Philippines H.E. Dr. Nicolas Brühl; at Christine Fajardo, SwissChamPH Chairperson and Communications and Advocacy Head.

Kolaborasyon para sa heart-healthy na kinabukasan

Para kay Dr. Beaver Tamesis, CEO at President ng AHMC, sa pagsugpo ng napakataas na dami ng kaso ng sakit sa puso, mahalagang mabigyan ng sapat na kaalaman ang publiko at maihatid ang suporta sa mga pasyente.

"Higit na kailangan pa natin ng adbokasiya. Kailangan nating maiparating ang kaalaman, ang mensahe natin sa publiko dahil hindi pa nila alam kung anong mga risk factor ang naghahatid ng mga kondisyong ito. Ang primary prevention, at secondary prevention, ito dapat ang tinututukan natin kapag second chance sa buhay ang pinag-uusapan natin," dagdag pa niya.

Malaking bahagi ng primary at secondary prevention ang partisipasyon ng pamilya -- binigyang diin ni Mr. Chong ang malaking papel ng ating mga kasama sa bahay. Ang problema sa puso, sabi niya, "ay problema rin ng pamilya. Kapag hindi natin tinulungan ang ating kapamilya sa pag-manage ng kanilang kolesterol, sa huli ay tayo rin ang mamomroblema sa paghahanap ng pambayad sa surgery, o 'di kaya ay sa pagkuha ng isang caregiver na magastos din."

Magandang balikan ang isa sa mga sinabi ni Mr. Chong: “‘Huwag na nating hintayin ang sandali kung kailan huli na ang lahat, dahil ang mga mahal natin sa buhay ang sisingilin nito.”

Mula sa perspektibong ito, maiintindihan natin na ang problema sa puso ay isang hamon na dapat nating hinaharap bilang isang komunidad, kung saan ang bawat kapamilya at kaibigan ay maaaring makapag-ambag para masuportahan ang mga nanganganib sa sakit. 

"Mahalaga ang tamang impormasyon sa pagpigil natin sa dumaraming heart attack at mga stroke," sabi naman ni Dr. Marc Louie del Rosario, Head ng AHMC Cardiac Catheterization Laboratory. "Kritikal ang secondary prevention, ngunit sa primary prevention ay may kapangyarihan tayong hindi na umabot pa sa malalang sitwasyon ang ating kalusuguan."

Gaya ng mga tulad nilang healthcare professional at heart health advocates, nilagdaan din nina Dr. Marc del Rosario at Dr. Joy Fontanilla ng AHMC ang Call to Action Commitment ng Unblocked Movement.             

Dr. Marc del Rosario at Dr. Joy Fontanilla ng AHMC ang Call to Action Commitment ng Unblocked Movement.

Mahalaga ang may alam

Ang usapin ng obesity ang isa rin sa mga nabigyang-linaw sa Unblocked Movement forum, kung saan ibinahagi sa atin ni Dr. Margarita Galicia, ang Head ng AHMC Weight Management and Bariatric Center ang kanyang obserbasyon:  "Ang obesity ay hindi lamang ang pagsobra sa timbang -- komplikadong sakit ito na malaki ang tsansang humantong sa mas malalang kondisyon, tulad na lamang ng diabetes, hypertension, at mga sakit sa puso."

Ang awareness o pagkakaroon ng kamalayan tungkol sa mga kondisyon tulad ng obesity at iba pang risk factors, ang unang hakbang sa pagprotekta sa ating kalusugan. “Ang ating hangarin ay magkaroon ng sapat na kaalaman ang lahat tungkol sa risk o tsansa na tayo’y magkaroon ng malalang kondisyon, at kung ano ang tamang tugon natin,” sabi ni Dr. Joy Fontanilla, ang Section Head of Endocrinology, Diabetes, at Metabolism ng AHMC. 

Para makamit ang layuning ito at magpatuloy ang makabuluhang diskusyon tungkol sa kalusugan ng mga Pilipino, isa sa mga pangunahing usapin sa Unblocked Movement Forum ang pagbuo at pagpapatibay ng marami pang mga partnership at ugnayan tungo sa pagsugpo sa kinakaharap nating problema. Ito ang isa sa mga nais matupad ng Novartis sa likod ng kanilang mainit na suporta para sa programang ito, ayon sa kanilang Communications & Engagement Head Ms. Christine Fajardo.  Dagdag pa niya, kakabit ito ng kanilang dedikasyong patatagin ang healthcare system at alagaan ang puso ng publiko at mga pasyente.

Naging posible rin ito dahil sa kontribusyon ng Swiss Chamber of Commerce of the Philippines (SwissCham PH), na kasama ng Novartis at AHMC, sa pagpapamalas ng kung ano ang kayang maabot ng international partnerships sa larangan ng pag-aangat ng healthcare practices sa Pilipinas.

Gaya ng sinabi ni Dr. Nicolas Bruhl, ang Swiss Ambassador to the Philippines, dahil sa kakayahan ng mga Swiss companies lalo na pagdating sa healthcare at medisina, malaki ang potensyal na hatid ng pagkakaibigan at pagtutulungan ng ating mga bansa.

Mga KasamBuhay, kung nais mo ring magkaroon ng ideya sa lagay ng iyong kolesterol, maaari mo itong i-check sa www.unblockedmovement.ph at malalaman mo kung gaano kataas ang iyong risk.

Tandaan, hindi ka nag-iisa! Patunay diyan ang Unblocked Movement.  Sa pamamagitan nito, mas tumitibay ang ating paniniwalang hindi natin kailangang harapin ang bawat pagsubok nang walang kasama. 

Alamin ang tamang impormasyon tungkol sa iyong kalusugan, at alagaan natin ang puso ng isa’t isa.

----

Sundan ang aking social media accounts JingCastaneda:  Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok, and Twitter.  Para sa inyong mga tanong, kuwento at suhestiyon, mag-email sa [email protected]. 

HEART DISEASES

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with