^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Party-list system sira ang hangarin

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Party-list system sira ang hangarin

Noon pa man, nabalahura na ang party-list system sapagkat hindi nito naipatupad ang tunay na hangarin na kumatawan sa marginalize na sektor ng lipunan. Sa kasalukuyan, ginagamit ang party-list ng mga political clan para palawakin at panatilihin ang kanilang pamilya sa kapangyarihan. Malaking kabiguan ang pagpasa sa Party-List System Act (Republic Act 7941) sapagkat lantaran nang inaabuso nang ma­raming sektor at ang sariling kapakinabangan ang ina­tupag.

Sa darating na May 2025 midterm elections, 156 party-list ang inaprubahan ng Commission on Elections (Comelec). Sabi ng Comelec, sinala nilang mabuti ang 156 at sinigurong kumakatawan ang mga ito sa marginalize sector ng lipunan. Ayon sa Comelec, mula sa orihinal na 190 party-list groups na nagsumite ng akreditasyon, 156 ang kanilang pinayagan na ma­ka­­lahok.

Subalit ayon sa grupong Kontra Daya 55.13 percent ng 156 ­party-list groups ay kabilang sa political dynas­ties, malalaking kompanya, mga pulis at military. Na­laman din ng Kontra Daya na may party-list groups na may mga nakabinbing kaso ng korapsiyon saman­talang ang iba pa ay may mga kahina-hinalang adbo­kasiya.

Nadismaya naman si Senate President Francis Escudero nang malaman ang natuklasan ng Kontra Daya. Ayon kay Escudero, nasira na ang hangarin ng party-list system. Sabi pa ni Escudero, mistulang na-hijack na ang ­party-list system nang manguna sa survey ang mga party-list group na hindi kumakatawan sa marginalized sector ng lipunan.

Sinabi ni Natalie Pulvinar, executive director ng Center for People Empowerment and Governance (Cenpeg) na ang mga nominado sa party-list ay pawang nagmula sa political dynasties, retired ­government officials, at mayayamang negosyante. Nangingibabaw umano ang mga elite na hindi ­nagsusulong ng kapa­kanan ng mga maliliit at naghihikahos sa lipunan.

Sa nangyayaring ito, nawala na ang tunay na layunin­ ng Party-list System Act na inakda noong 1995 na mag­karoon ng kinatawan ang mga mahihirap, mang­ga­gawa, kababaihan, kabataan, katutubo at iba pang ka­bilang sa marginalized sector. Hindi na nangyayari ito dahil namanipula na ng mga mayayaman at maiimpluwemsiya ang sistema.

Nararapat na ireporma ang party-list system. Kung hindi ito gagawin, mawawalan ng saysay ang batas. Lalabas na nilikha ito para lamang sa mga makapang­yarihan at mapang-abuso. Dapat malansag ang poli­tical family na namamayani sa party-list. Kung hindi ma­isasakatuparan ang pagreporma sapagkat tututulan mismo ng mga pulitiko, dapat nang ibasurang tuluyan ang party-list system.

OPED

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with