EDITORYAL - Gawing VIP Lane ang EDSA Bus Lane

MASYADO nang kontrobersiya ang EDSA Bus Lane. Noong nakaraang linggo, pinanukala ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na aalisin ang EDSA Bus Lane kapag naisaayos ang Metro Rail Transit (MRT). Hindi na raw kakailanganin ang bus lane kapag na-accommodate ng MRT ang mga pasahero. Kapag wala na raw ang bus lane, luluwag na ang EDSA. Pero ang panukala ay tinutulan. Hindi raw solusyon ang pagtanggal sa bus lane sa problema ng trapiko.
Maraming nag-isip kung bakit biglang pinanukala ng MMDA ang walang katorya-toryang plano na pagtanggal sa bus lane. Kapag pinakikinabangan ang isang bagay, hindi ito dapat alisin nang basta-basta. Kailangang pag-isipan nang maraming beses. Kahit maisaayos ang MRT, hindi dapat alisin ang bus lane. In case na magkaproblema ang MRT, mga bus ang sasahod sa mga naapektuhang pasahero.
Hindi kaya may kaugnayan ang ginagawang illegal na pagdaan ng VIP sa EDSA Bus Lane kaya gusto itong alisin ng MMDA? Masyado na ang ginagawang paglabag ng mga VIP na para mabilis na makarating sa paroroonan ay nagdaraan sa bus lane. At ang matindi, tinatakasan at pinagbabantaan pa ang mga traffic enforcers na sumisita. May mga gumagamit pa ng pangalan ng mga matataas na pinuno para palampasin ng mga sumitang enforcers. Grabe na ang ginagawa ng mga VIP na karaniwang nagpapakilalang senador, congressman, pulis at iba pa para makalusot sa bus lane. Bagama’t may mga natitikitan, mayroon din namang mga tumatakas at may gusto pang managasa ng traffic enforcer.
Noong Noyembre 3, 2024, sinita ng babaing traffic enforcer ang isang Cadillac na pumasok sa EDSA bus lane pero tinangka itong sagasaan. Nag-dirty finger naman ang pasaherong lalaki ng SUV. Nakilala ang driver na si Angelito Edpan at ang minamaneho niyang Cadillac ay nakarehistro sa Orient Pacific Corporation na pag-aari naman ng ama at kapatid ni Sen. Sherwin Gatchalian.
Noong Abril 11, 2024, isang itim na SUV na may plakang “7” ang dumaan sa bus lane. Hinarang ng MMDA traffic enforcers. Pero pinaharurot pa. Hindi nalaman kung sinong senador ang sakay. Lumipas ang tatlong araw bago lumabas ang may-ari ng sasakyan—si Sen. Francis Escudero. Humingi ng paumanhin si Escudero.
Noong nakaraang linggo, dumaan sa bus lane ang sasakyan ng anak ni Sen. Raffy Tulfo na si Quezon City Rep. Ralph Wendel Tulfo. Humingi ng paumanhin ang senador sa ginawa ng anak. Nang linggo ring iyon, dumaan din sa bus lane ang sasakyan ni Sen. Manny Pacquiao. Hinarang ito ng traffic enforcers.
Marami pang sasakyan ng VIP ang nahuli dahil sa pagdaan sa EDSA Bus Lane. Alam nilang bawal silang dumaan sa bus lane pero ginagawa pa rin. Nakakahiya na kung sino pa ang mga hinalal ng taumbayan sila pa ang nagiging pasaway. Palitan kaya ng VIP Lane ang EDSA Bus Lane.
- Latest