Mas malapot ang dugo
MARAMI Siguro ang nagtataka kung bakit ang kapatid ni Presidente Bongbong Marcos na si Sen. Imee Marcos ay lantarang pumapanig sa mga Duterte. Pati nga ang mga tuligsa ng mga Duterte sa administrasyon ay inaayunan niya.
Ganyan talaga sa pulitika lalo na kung umiiral ang political dynasty. Kailangang may isang kapamilya na kakampi sa kabilang kampo. Wika nga, paniguro upang kahit aling kampo ang malalagay sa kapangyarihan, hindi sila maiitsapuwera o mawawala ang impluwensiya. Kaya kung ang kaanak ng isang pulitikong nasa kapangyarihan ay kumakampi sa kabilang kampo, arte lang iyan!
Iyan ang nakasusukang “puwelitika”! Tingnan natin ang kaso ni Sen. Imee, kung totoong pro-Duterte siya, bakit nasa senatorial lineup siya ng administrasyon? Ni minsan, bilang nakatatandang kapatid ni Bongbong, ni gaputok na salita upang idepensa ang Presidente sa mga seryosong akusasyon ng mga Duterte ay wala tayong narinig.
Mas madalas nga nating marinig si Imee na dumidepensa sa mga Duterte at sa mga wala sa hulog na policy nito. Ni minsan, hindi kinondena ng senadora ang mga pang-aabuso ng China sa sarili nating territorial waters. Ngayon kasama si Imee sa mga senatorial bets na iniendorso ni Bongbong.
Sa kanyang endorsement sa senatorial bets, sinabi ni Bongbong na walang bahid ng dugo ang mga kandidato niya dulot ng “Tokhang” sa madugong drug war ni Duterte. Wala rin sa mga pambato niya ang kumakampi sa China sa pananakop nito sa ating exclusive economic zone.
Hindi natin narinig ang presidential sis na sumalungat sa mga kontrobersiyal na patakarang ito ng nakaraang administrasyon ni Duterte.
- Latest