Lalaki, binaril ang kaibigang nagyabang na kaya nitong umiwas sa bala!
KULONG ang isang lalaki sa Utah, USA matapos niyang barilin at mapatay ang sariling kaibigan na naghamon na kaya niyang iwasan ang bala.
Kinilala ang suspek na si Ashton Jonathan Mann, 23-anyos, na inaresto noong Pebrero 2 ng madaling araw sa Kearns, Utah.
Nahaharap siya sa kasong manslaughter at ilegal na paggamit ng baril matapos ang isang kakaibang insidente na kinasasangkutan ng droga at armas.
Ayon sa mga imbestigador, nagsimula ang trahedya sa simpleng kuwentuhan ng magkaibigan habang sabay na gumagamit ng marijuana.
Napunta ang usapan sa baril hanggang sa lumipat sila sa garahe. Dito, nagmayabang ang biktima na kaya niyang makaiwas sa tama ng bala.
Dahil sa hamon, nagdesisyon silang subukan ito. Pareho nilang inalis ang magazine ng dalawang baril at anim na beses na ginawa ang “laro” kung saan babarilin ng suspek ang kaibigan at iiwas ito.
Pero sa pang-anim na beses, isang totoong bala ang pumutok at tumama sa dibdib ng biktima.
Agad umanong tumawag ang suspek sa emergency hotline na 911 at sinubukang bigyan ng first aid ang kaibigan, pero idineklarang patay ito pagdating sa ospital.
Sa pagsisiyasat, narekober ng mga pulis ang dalawang baril, bala, at mga gamit pang-marijuana sa bahay.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad si Mann at nakatakdang humarap sa korte.
Hindi pa inilalabas ang pagkakakilanlan ng biktima habang iniimbestigahan pa ang kaso.
- Latest