^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Nakaiiyak na isyu sa sibuyas

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Nakaiiyak na isyu sa sibuyas

PAPARATING na raw sa susunod na linggo ang inangkat na 3,000 metric tons ng pulang sibuyas at 1,000 metric tons ng puting sibuyas, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. Nilinaw naman ng secretary na hindi pa sapat ang darating na sibuyas. Kulang pa aniya ito sapagkat hindi pa panahon ng anihan ng sibuyas. Hindi pa umano makasasapat ang paparating na sibuyas upang makatugon sa local demand. Ayon kay Tiu-Laurel, tinatayang 7,000-tonelada ng sibuyas ang kailangan para makasapat sa panga­ngailangan hanggang sa sumapit ang harvest season.

Ilang linggo na ang nakararaan, binatikos ng mga magsasaka at agricultural groups si Tiu-Laurel dahil sa pasya nitong mag-angkat ng sibuyas. Hindi raw dapat mag-angkat sapagkat nalalapit na ang harvest season. Sa ginawa raw ng kalihim, ang maaapektuhan ay ang mga lokal na magsasaka. Kapag dumagsa ang imported na sibuyas, wala nang tatangkilik sa lokal na pula at puting sibuyas. Mas mura umano ang imported na sibuyas kaysa lokal na sibuyas. Paano pa mabubuhay ang mga kawawang magsasaka sa pagdagsa sa merkado ng imported na sibuyas.

Maski si dating Agriculture Secretary Leonardo Q. Montemayor ay nagsabing mali ang timing ng Department of Agriculture sa pag-angkat ng sibuyas. Ayon kay Montemayor, bakit pa mag-aangkat gayung nagsimula na ang pag-ani ng sibuyas sa Pangasinan, Occidental Mindoro, at Nueva Ecija. Mali ang desisyon ng Department of Agriculture sa pag-import sapagkat magpapalala ito sa kalagayan ng mga lokal na magsa­saka. Bababa ang farmgate ng sibuyas at kawawa ang kalagayan ng mga magsasaka na gumastos nang malaki sa pagtatanim at pagkatapos ibibenta nang mura.

Ayon naman sa Samahang Industriya ng Agrikul­tura (SINAG), hindi dapat nagmadali ang Bureau of Plant Industry (BPI) na aprubahan ang pag-angkat ng sibu­yas sapagkat panahon na ng anihan. Bakit daw laging­ kumakati ang kamay ng mga kawani ng (BPI) na mag-import ng sibuyas?

Lagi nang nakakaiyak ang isyu sa sibuyas at ang laging talo ay ang maliliit na magsasaka. Lagi nang ang pag-import ang nasasaisip ng Department of Agri­­cul­ture. Nabansagang agricultural na bansa subalit nag­­­dedepende sa ani ng ibang bansa. Wala na bang maga­gawa ang DA para maparami ang produksiyon ng sibu­yas? Malaki at malawak ang taniman ng Pilipinas kaysa ibang bansa sa Southeast Asia pero pawang pag-iim­porta ang ina­atupag. Mula sa bigas, isda, gulay, karne ay inaangkat. Nakakahiya na ang ganito na ang lahat nang nakahain sa hapag kainan ng mga Pilipino ay inangkat sa mga karatig bansa. Kailan kakain ng sariling ani?

SIBUYAS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with