Tuloy ang EDSA Bus Lane
MANANATILI ang EDSA Bus Lane. Ito ang huling salita ni DOTr Sec. Jaime Bautista na inendorso naman ni Pres. Bongbong Marcos Jr. Matapos ang mga mungkahi na itigil na ang paggamit ng isang hanay ng EDSA para lamang sa mga pampublikong bus, nagpasya na ang gobyerno at naglabas ng huling desisyon. Marami ang tumutol na bawiin na ang nasabing hanay ng EDSA. Wala rin daw basehan ang sinasabing pareho lang daw ng MRT-3 at ang EDSA Bus Lane. Hindi ko alam kung paano nasabing pareho kung hindi naman pareho ang distansiya na tinatahak ng dalawang tinutukoy na ruta. Ang EDSA Bus Lane ay mula Monumento hanggang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), malayo sa MRT-3 na mula North Ave. hanggang Taft Ave. lamang. Kahit madagdagan ang sumasakay sa MRT-3 ay hindi pa rin pareho ang distansiya.
Kailan lang, “ni-relieved from duty” ang tatlong tauhan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) dahil sa insidente sa EDSA Bus Lane. Dalawang naka-motorsiklong HPG ang gumamit ng EDSA Bus Lane at inutusang itigil ng mga traffic enforcers ang kanilang operasyon. Sumegundo ang pangatlong tauhan ng HPG at binanggit pa ang pangalan ni PNP chief Gen. Rommel Marbil. Nilinaw ng HPG na walang kinalaman si Marbil. Personal na opinyon lang ng opisyal. Kung personal na opinyon pala, wala siyang karapatan gawing dahilan ito para mag-utos na hindi alam ng pamunuan ng HPG, hindi ba?
Marami ang pilit na dumadaan sa EDSA Bus Lane kahit hindi awtorisado. Natural ay karamihan mga motorsiklo na kung hindi mahuhuli ay talagang dadaan. Madalas pinagsasamantalahan ng mga rider ang mga underpass kung saan walang nanghuhuli. May mga hindi awtorisadong opisyal ng gobyerno o mga kamag-anak nito ang pilit dumadaan din. Nagmamadali daw, o hindi daw alam o kung ano pang dahilan. Meron nga, higit isang beses nang nahuli pero mukhang pasaway talaga.
Bukod sa mga pampublikong bus, iilan lang ang awtorisadong gumamit ng nasabing EDSA Bus Lanse. Dapat taasan ang multa at suspindihin kaagad ang lisensiya ng ilang buwan kapag hindi awtorisadong gumamit ng EDSA Bus Lane. Dapat mabigat ang parusa para talagang hindi na uulit at magsilbing babala sa mga lalabag. Alam ng lahat ng motorista ang trapik sa EDSA. Walang magagawa talaga kundi tiisin at masanay. Dapat alam din kung anong mga oras na medyo maluwag dumaan. May planong ayusin din ang kahabaan ng EDSA kaya siguradong dagdag ito sa malalang trapik. Kaya ginhawa ang EDSA Bus Lane para sa sumasakay na publiko. Kung ibabalik sa dating sistema kung saan humihinto at nagkukumpulan ang mga pampublikong bus kung saan-saan, ang mga pasahero na naman ang apektado. May kasabihan na kung hindi sira, huwag ayusin.
- Latest