Lalaki sa Australia, natuklasan na pugad ng mga makamandag na ahas ang kanyang bakuran!
ISANG lalaki sa Sydney ang halos himatayin sa takot matapos madiskubreng naging pugad ng mahigit 100 makamandag na ahas ang kanyang bakuran!
Napansin ni David Stein na may anim na gumagapang na ahas sa kanyang likod-bahay.
Dahil sa sobrang kaba, agad niyang ginoogle ang tungkol dito at nalaman niyang maaaring nagkukumpulan ang mga buntis na red-bellied black snakes bago sila manganak.
Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa at tumawag ng eksperto.
Dali-daling rumesponde ang Reptile Relocation Sydney at dumating ang beteranong snake catcher na si Dylan Cooper.
Sa una’y lima lang ang natagpuang adult snakes—apat sa mga ito ay buntis. Pero habang hinuhukay ang lupa, isa-isang lumitaw ang mga bagong silang na red-bellied snake!
Ayon kay Cory Kerewaro, may-ari ng Reptile Relocation Sydney, nagsimula sila sa bilang na 40, pero patuloy ang paglabas ng mga ahas.
Hanggang sa umabot ito sa nakagugulat na 102, kung saan 97 dito ay mga bagong silang na ahas!
“Parang eksena sa horror movie! Hindi ako makapaniwala,” ani Stein.
Ipinagtataka ng mga eksperto kung bakit ganoon karami ang mga ahas sa isang lugar.
Posibleng dulot ito nang matinding init sa Sydney ngayong summer season doon o kaya’y kakulangan ng ligtas na lugar para manganak ang mga ito.
Bagama’t makamandag, hindi agresibo sa tao ang red-bellied black snakes. Ngunit hindi ito naging sapat na pampakalma kay Stein, lalo pa’t noong December ay muntik nang mamatay ang kanyang alagang aso matapos matuklaw ng isa sa mga ahas na ito.
Sa ngayon, hawak pa ng Reptile Relocation Sydney ang mga ahas pero pinayagan na silang ibalik ito sa isang national park—malayo sa mga kabahayan.
- Latest