Lalaki na umorder sa online ng drill, nagulat matapos litrato ng drill ang kanyang natanggap!
ISANG lalaki mula sa Georgia, U.S.A. ang naloko matapos umorder ng power drill at pressure washer sa isang online shopping platform, ngunit sa halip na matanggap ang mga binili niyang gamit, isang naka-print na larawan ng drill at isang tornilyo lamang ang dumating sa kanya.
Si Sylvester Franklin, 68, ay umorder sa AliExpress noong Nobyembre 2024, nagbayad ng halos $40, at naghintay ng mahigit isang buwan para sa kanyang package.
Ngunit noong Disyembre 9, nagulat niya nang makita na ang laman ng kanyang parcel ay larawan ng drill at isang pirasong tornilyo.
Ayon kay Franklin, agad siyang nakipag-ugnayan sa AliExpress para humingi ng refund, ngunit hindi pa rin siya nakatatanggap ng sagot. “Nagbayad ako nang tama, kaya dapat lang na matanggap ko ang binili ko,” aniya.
Hindi lamang si Franklin ang nakaranas ng ganitong panloloko. Ayon sa Consumer Protection Division (CPD) ng Georgia, tatlong reklamo na ang natanggap nila laban sa AliExpress noong 2024. Isang customer pa ang nawalan ng mahigit $400 matapos bigyan ng pekeng tracking number.
Ang AliExpress, ay Chinese shopping website na subsidiary ng kompanyang Alibaba. Noong 2021, isinama ito sa listahan ng mga “Notorious Markets for Counterfeiting and Piracy” ng U.S. Trade Representative.
Hinihikayat ni Franklin ang publiko na maging maingat sa pamimili online, lalo na sa mga international platforms. “Huwag manloko ng iba. Mahirap kitain ang pera, kaya dapat makuha natin ang ating pinaghirapan,” dagdag niya.
Kung makaranas ng ganitong panloloko, pinapayuhan ang mga mamimili na agad itong iulat sa mga awtoridad, makipag-ugnayan sa kanilang banko, at itala ang lahat ng ebidensiya ng kanilang transaksiyon.
- Latest