EDITORYAL - Linisin ang dumi sa PhilHealth

Nabalot nang maraming kontrobersiya ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth). Una na ang tungkol sa P89.9 billion na sobrang pondo na inilipat sa national treasury. Nang pagpaliwanagin si PhilHealth President at Chief Executive Officer Emmanuel R. Ledesma Jr. ng mga senador ukol dito, naging walang galang ang kanyang mga sagot.
Binatikos si Ledesma at lalo pang lumala ang kontrobersiya nang madiskubre na naglaan ito ng P138 milyon para sa gaganaping selebrasyon ng PhilHealth para ngayong taon. Ang malaking halaga, ayon sa mga bumabatikos ay hindi makatwiran sapagkat maraming mamamayan ang may problema kung paano magkakaroon ng access sa healthcare services.
Lumubha pa ang kontrobersiya sa PhilHealth nang bigyan ito ng Kongreso ng zero subsidy para sa 2025 budget. Dahil dito maraming nanawagan sa pagbibitiw ni Ledesma at ng buong board ng PhilHealth. Ipinanawagan din na magkaroon ng digitalization system sa PhilHealth para mapigilan ang fund misuse sa ahensiya.
Ang panawagan nang nakararami para tanggalin si Ledesma ay nagkaroon ng katuparan makaraang italaga ni President Ferdinand Marcos Jr. na bagong chief ng PhilHealth si Dr. Edwin M. Mercado. Nanumpa si Mercado kay Marcos noong Martes sa isang simpleng seremonya sa Malacañang. Si Mercado ay US-trained orthopedic surgeon at may 35 taong karanasan sa hospital management. Nagtapos siya ng Doctor of Medicine sa University of the Philippines noong 1987 at may Master of Medical Sciences in Global Health Delivery sa Harvard Medical School noong 2003.
Mabigat ang nakaatang sa balikat ni Mercado bilang bagong Presidente ng PhilHealth lalo pa’t sinasabing nakaiwan ang dating pinuno nito ng deficit na mahigit P600 million at P1.13 trillion na bayarin sa insurance contract.
Sabi naman ni Mercado makaraang manumpa sa puwesto na una niyang sosolusyonan ay ang mga problema na mistulang sakit sa ahensiya. Isa pa rin daw sa magiging prayoridad niya ay ayusin ang digitalization. Sa pamamagitan daw ng digital system, mapapadali ang claim processing at mababawasan ang mga fraudulent activities sa ahensiya.
Sana, maisakatuparan ni Mercado ang mga gagawing pagbabago at “paglilinis” sa maeskandalong PhilHealth. Magawa sana niya na maabot ng milyong Pilipino ang inaasam na maayos na paglilingkod ng PhilHealth sa pamamagitan ng Universal Healthcare program. Ikatutuwa ng mamamayan ang pagiging malinis ng PhilHealth na matagal ding nasalaula ng mga nakaraang pinuno.
- Latest