Baby shark sa Louisiana aquarium, ipinanganak kahit walang ama!
Isang pambihirang pangyayari ang naganap sa isang aquarium sa Louisiana, U.S.A. matapos ipanganak ang isang baby swell shark kahit walang lalaking pating sa loob ng tangke na pinangitlugan nito!
Ang Shreveport Aquarium ay nag-anunsiyo ng kapanganakan ng baby shark na pinangalanang Yoko noong Enero 3.
Natuklasan ng kanilang team ang itlog walong buwan na ang nakalilipas sa tangke kung saan tanging dalawang babaing swell shark lamang ang naroroon.
Dahil walang lalaking pating sa loob ng tangke, dalawang paliwanag ang itinuturing na posibleng dahilan ng kapanganakan ni Yoko: parthenogenesis o delayed fertilization.
Ang parthenogenesis ay isang bihirang proseso kung saan ang isang babaing hayop ay nagkakaroon ng supling nang hindi kinakailangan ng sperm mula sa isang lalaki.
Karaniwan itong nangyayari kapag ang isang babaing hayop ay matagal nang walang kapareha.
Sa ibang kaso naman, maaaring ito ay dulot ng delayed fertilization, kung saan ang itlog ay nabubuo matagal matapos ang huling pakikipag-mate ng ina.
Ayon sa mga eksperto, ang ilang species ng pating ay may kakayahang mag-imbak ng sperm sa loob ng mahabang panahon bago ito gamitin sa fertilization.
Noong 2015, isang babaing brownbanded bamboo shark sa San Francisco ang napatunayang nakaimbak ng sperm sa loob ng halos apat na taon bago ito nagbuntis.
Bagama’t may mga naitalang kaso ng parthenogenesis sa ilang uri ng pating tulad ng zebra shark at bonnethead shark, bihira itong mangyari. Sa kasalukuyan, isang beses pa lamang ito naitala, partikular sa isang species ng sawfish.
Ayon kay Greg Barrick, curator ng live animals sa Shreveport Aquarium, magsasagawa sila ng DNA testing kay Yoko sa sandaling ito ay lumaki na upang matukoy kung siya ay ipinanganak sa pamamagitan ng parthenogenesis o delayed fertilization.
Sa ngayon, nananatili si Yoko sa quarantine area para sa masusing pagmamanman. Bagama’t maayos ang kanyang kalagayan, may posibilidad na maging maikli lamang ang buhay nito dahil ang mga hayop na isinilang sa pamamagitan ng parthenogenesis ay kadalasang may mababang survival rate.
“Anuman ang kahihinatnan ni Yoko, nag-iwan na siya ng isang mahalagang kontribusyon sa pag-aaral ng pagpaparami ng mga pating at konserbasyon ng kanilang species,” pahayag ng aquarium.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagmo-monitor kay Yoko, at inaasahang ililipat siya sa mas malaking tangke sa tamang panahon.
- Latest