China nang-iinis sa Pilipinas
BALEWALA at tila nang-iinis pa ang China sa Pilipinas kasunod ng babala ni President Bongbong Marcos na hindi aalisin ng pamahalaan ang mga typhoon missiles na itinalaga ng U.S. sa Laoag, Ilocos Norte, kasabay ng atas na ihinto na ng China ang pananakop sa ating teritoryong pangkaragatan.
Imbes na umatras mula sa ating exclusive economic zone ang kanilang monster ship, aba’y lalong lumapit at ito’y tunay na nakababahala. Dalawang coast guard ships ng China ang nakita malapit sa Luna, La Union, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon kay Commodore Jay Tarriela, spokesman ng PCG, ito na ang pinakamalapit na encroachment na ginawa ng China sa Pilipinas. Kaya inatasan na ni Chief Admiral Ronnie Gil Gavan ang deployment ng mga barkong magmo-monitor sa galaw ng dalawang Chinese vessels.
Nasa layong 70 hanggang 75 nautical miles mula sa Luna, La Union, ang layo ng Chinese vessels. Direktang kawalang-respeto na iyan ng China sa soberenya ng ating bansa at tila walang takot ang China at determinado sa intensiyong manakop ng ating teritoryo.
Ang Chinese vessels na may numerong 3301 at 3304 ay namataan noong Linggo sa layong 63 kilometers mula sa dalampasigan ng Bolinao, Pangasinan. May dahilan tayong kumabog ang dibdib.
Sunud-sunod ang pagkakaaresto ng mga sinasabing espiyang Intsik sa bansa. May posibilidad na sa loob mismo ng Pilipinas ay may mekanismo na ang China sa balak nitong manakop. Ano kaya ang mekanismo natin para pigilin ito?
- Latest