EDITORYAL — Seryosong usapin ang pag-eespiya

MULA nang maispatan ang paglalayag ng “monster ship” ng China Coast Guard sa baybayin ng Zambales noong unang linggo ng Enero, halos kasabay ding naglutangan ang mga pinagsususpetsahang Chinese spies. Anim na Chinese spies na ang nasa kustodiya ng mga awtoridad.
Nakadagdag din sa pangamba ang paglutang din ng submersible drones sa karagatan ng Pilipinas. Sa huling report, limang drones na ang narerekober ng mga mangingisda sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ang usapin sa pag-eespiya ay hindi dapat ipagwalambahala. Malaking usapin ito sapagkat ang seguridad ng bansa ang nakataya. Kung hindi pagtutuunan ng pansin ang mga nahuhuling Chinese spies, baka sa dakong huli ay nasa panganib na ang bansa sapagkat nakuha na lahat ang mahahalagang impormasyon. Bago pa makakilos, nakasakmal na ang mga mananakop.
Ang pagkakaaresto sa limang Chinese national sa Palawan noong nakaraang Huwebes ay nagpapakita na aktibo na ang pag-eespiya sa bansa. Nakapasok na ang mga ito at maaaring marami nang nakakalap na mahahalagang impormasyon. Malaki na ang nasakop ng paniniktik.
Ayon kay National Security Adviser Eduardo Año, ang pag-eespiya ng limang naarestong Chinese national sa Ulugan Bay at Naval Detachment Oyster Bay sa Palawan, at ganundin sa surveillance sa Naval dock ng Philippine Coast Guard ay seryosong usapin. Sinabi ni Año na titiyakin ng pamahalaan ang pagpapatupad ng batas at pananagutin ang mga sangkot sa espionage at intelligence operations. Ayon pa kay Año, palalakasin ng pamahalaan ang counter intelligence at monitoring efforts sa bansa para sa mas matatag na national security.
Ang limang Chinese spies pa ang naaresto sa Palawan ay sina Cai Shaohuang, alyas Richard Tan Chua – lider ng grupo; Cheng Hai Tao; Wu Cheng Ting; Wang Yong Yi at Wu Chin Ren.
Bago ang pagkaaresto sa limang spies, una nang naaresto noong Enero 20, sa isang condominium sa Makati ang Chinese spy na si Deng Yuanquing at dalawang Pilipino na drayber umano nito. Nasamsam sa sasakyan ng Chinese ang mga kagamitan na ginagamit sa pagsasagawa ng casing sa mga military camps at iba pang pangunahing imprastraktura. Inamin ng dalawang Pinoy na marami na silang napuntahang military camps at iba pang lugar para magsagawa ng surveillance. Sabi ng Bureau of Immigration, 10 taon na sa bansa ang mga naarestong Chinese.
Hindi dapat balewalain ang sunud-sunod na pagkakahuli sa Chinese spies. Maging alerto rin sana ang taumbayan para mai-report ang mga espiya. Baka magising ang Pilipinas na sakmal na ng mananakop.
- Latest