EDITORYAL - Sabwatan ng rice importers at mga negosyante
Nararapat paigtingin pa ng House of Representatives ang pag-iimbestiga sa mga top importer ng bigas kaugnay sa umano’y rice cartel na nagmamanipula ng presyo kaya nananatiling mataas kahit na ibinaba na ang taripa sa imported na bigas. Nakikita ang sabwatan ng mga pangunahing rice importers at mga negosyante ng bigas kaya hindi bumababa ang presyo ng bigas. Sampung top rice importers ang tinututukan na kumokontrol sa 36 porsiyento ng kabuuang inaangkat na bigas.
Tinukoy ng komite ang top importers ng bigas: Bly Agri Venture Trading, Atara Marketing Inc., Orison Free Enterprise Inc., Macman Rice and Corn Trading, King B Company, Sodatrade Corp., Lucky Buy and Sell, Vitram Marketing Inc., Nan Stu Agri Traders, at RBS Universal Grains Traders Corp.
Lubhang nakapagtataka na sa kabila na ibinaba na ang taripa sa imported rice, nananatili ang mahal na bigas sa mga palengke na ang presyo ay halos mahigit P50 hanggang P55 ang kilo.
Isang Executive Order ang inilabas ni President Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang Hunyo na nagbababa sa taripa ng imported rice mula 35 percent sa 15 percent. Pero nakadidismaya na sa kabila ng EO 62, nananatiling mataas ang presyo ng bigas. Ang apektado ay mga mahihirap na mamamayan na kakarampot ang suweldo. Paisa-isang kilo na lamang ang nabibili dahil sa kakapusan. Sa nararanasang mahal na kilo ng bigas, naaalala ng mamamayan ang pangako ni Marcos Jr. noong panahon ng kampanya na ang bigas ay magiging P20 ang kilo. Ang pangako ay tila isang bangungot.
Ang sabwatan ng mga pangunahing rice importers at mga mapagsamantalang negosyante ay “naamoy” noong Setyembre nang maistak o matengga ang 23 milyong sako ng bigas sa Manila International Container Port (MICT) at South Harbor. Ang mga imported na bigas ay nasa 900 containers. Ayon sa Philippine Port Authority (PPA), matagal nang nasa pantalan ang mga container at hindi kinukuha ng importers. Maski sa Subic at Batangas ports ay marami ring nakatenggang imported na bigas noon.
Nagpahiwatig ang PPA na maaaring hinihintay ng rice importers na sumirit ang presyo ng bigas at saka nila kukunin sa port ang shipment. Makaraan ang ilang araw na pagbatikos sa media, kinuha rin ng rice importers ang mga nakatenggang bigas sa MICT. Hindi na nalaman kung saan humantong ang mga bigas.
Paigtingin pa ng Kamara ang pag-iimbestiga sa sabwatan ng rice importers at negosyante. Dapat mababa ang presyo ng bigas pero dahil sa kanilang kabuktutan, mahihirap ang apektado. Huwag tantanan ang mga ganid at gahaman.
- Latest