Umunlad ang ekonomiya, lumubog ang taumbayan
BAKIT, nakakakain ba ang balita? Sagot ‘yan ng karaniwang tao sa ulat ng gobyerno na umunlad ang ekonomiya kaya mas abot-kaya ang pagkain.
Kesyo raw umangat nang 6.3 percent ang gross domestic product nitong Abril-Hunyo. Kesyo raw dagdag ‘yan sa 5.7 percent nu’ng Enero-Marso.
GDP ay suma total ng halaga ng lahat produkto at serbisyo sa loob ng bansa. Kasama diyan ang industriya, kalakal, pananim, pangisdaan, turismo, pati texts.
Ku’ng umunlad nga, bakit hindi maramdaman ng madla? Tinanong ko si Prof. Sonny Africa, IBON Foundation executive director. Konstruksyon ang umunlad ng husto, ani Africa. Dahil ito sa gastos ng gobyerno sa imprastruktura. Pero ang kumita ay ang mga may-ari ng mga malalaking lupain na dinaanan ng kalye. Naisalya nila ng times three ang halaga.
Kumita rin ang mga kawatang pulitiko. Binisto ni Baguio City mayor Benjie Magalong na 40 percent ang kickback sa roadworks. Hindi kuntento, mga pulitiko na rin ang umaaktong kontratista at supplier ng materyales, para sa 15 percent pang tubo.
Lagapak ang agrikultura, dagdag ni Africa. Mahigit 900,000 ang nawalan ng trabaho sa mga bukirin, at 100,000 sa pangisdaan. Naganap ito maski nagdagdag gastos ang gobyerno sa sektor nitong 2022-2024.
Resulta: Mahal pa rin ang pagkain.
Otomatikong solusyon ng gobyerno na umangkat ng isda, karne, manok, gulay, prutas. Lalong nawalan ng kita ang mga magsasaka at mangingisda sa sobrang murang imports. Wala namang tulong sa kanila para sa, halimbawa, iniksiyon kontra African Swine Fever.
Nagmahal din ang mga gamot at medical lab tests. Pero tinangay ng gobyerno ang P90 bilyon ng PhilHealth members.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest