EDITORYAL - Sagutin ni Quiboloy ang mga paratang
Apat na araw makaraang maaresto ang napatalsik na Bamban, Tarlac mayor Alice Guo, si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy naman ang naaresto kahapon sa Davao City. Ang pagkakaaresto kay Quiboloy ay inihayag mismo ni Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos sa kanyang Facebook page na nagsasabing naaresto na si Quiboloy. May mga naka-post ding picture ni Quiboloy sa FB page kasama si Abalos at ang abogado nito.
Natapos ang pagtatago ni Quiboloy makaraan ang dalawang linggong paghahanap ng Philippine National Police (PNP) sa pamumuno ni Region XI Director Nicolas Torre III. Nagbunga ang paghahanap nina Torre at nang may 2,000 pulis. Sabi ni Torre, hindi sila aalis sa KOJC compound hangga’t hindi naisisilbi kay Quiboloy ang arrest warrant. Naninindigan si Torre na legal ang paghahanap nila kay Quiboloy kaya hindi sila titigil sa ginagawang paghahanap sa pastor na may mga kasong child abuse at human trafficking. May kinakaharap ding kaso si Quiboloy sa United States.
Dalawang korte ang nag-isyu ng warrant kay Quiboloy. Unang warrant ay inisyu noong Abril 3, 2024 ng Davao City Regional Trial Court at ikalawa ay ang Pasig City Regional Trial Court na inisyu noong Abril 11, 2024.
Bukod kay Quiboloy, apat pang miyembro ng KOJC ang hinahanap ng PNP. Wala namang nabanggit si Abalos kung naaresto na rin ang apat na iba pa na nahaharap din sa mga kasong child abuse at human trafficking. Noong Mayo, nag-offer ang DILG ng P10 milyong reward para maaresto si Quiboloy at P1 milyon naman bawat isa sa limang miyembro ng KOJC. Isa lamang ang naaresto sa kanila.
Nang pasukin ng PNP ang KOJC compound noong Agosto 24, nagkaroon ng kaguluhan sapagkat nagbarikada ang mga tagasunod ni Quiboloy. Nahirapan ang mga pulis sapagkat lumaban ang mga miyembro. May naghagis ng silya at nagsaboy ng ihi sa mga pulis. Pero patuloy pa rin ang mga pulis sa paghahanap at nagbunga makaraan ang dalawang linggong tensiyon.
Ngayong naaresto na si Quiboloy, ito na ang pagkakataon niya para sagutin lahat ang mga ipinaparatang sa kanya. Mayroon naman siyang mga abogado kaya hayaan niyang gumulong ang proseso. Kung naniniwala siyang walang nagawang kasalanan, patunayan niya. Magharap ng mga katibayan.
Sa pagkakaaresto kay Quiboloy, magbabalik na sa normal ang buhay ng kanyang mga miyembro. Magagawa na ng mga ito ang pang-araw-araw nilang aktibidad na dalawang linggo ring naging abnormal.
- Latest