Delikado mga tangke ng LPG refilling stations
Binuo ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Marbil ang “Oplan Ligtas” para habulin ang mga ganid na negosyanteng lumilinya sa LPG refilling stations, dealers at distributors. Sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), pangunahing dahilan ng sunog ay pagsabog ng mga depektibong tangke ng LPG.
Tumalima ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at sinalakay ang mga gas refilling stations na dispalinghado ang mga tangke ng gas. Sinalakay ang refilling station sa Baler, Aurora at walong empleyado ang nadakip. Hindi nahuli ang may-ari ng LPG station pero sinampahan na sila ng kaso ng CIDG.
Ayon kay CIDG Director MGen. Leo Francisco, P26.6 milyong halaga ng kagamitan sa pag-refill ng LPG kasama na ang mga sasakyan at tangke ng LPG ang nakumpiska sa sinalakay na refilling station.
Nitong nagdaang mga araw, sunud-sunod ang sunog sa Metro Manila na ang dahilan ay tangke ng gas na madaling sumingaw. Sa sunog na tumupok sa isang gusali sa Binondo, Maynila na ikinamatay ng 11 katao, nag-leak na tangke ng gas ang pinagmulan ng apoy.
Payo ko, huwag bumili ng tangkeng dispalinghado. Bumili kayo sa mga kilalang LPG distributors upang makaiwas sa disgrasya.
* * *
Nais kong bigyang linaw ang artikulo na nalathala sa pahayagang ito noong Hunyo 15, 2019 na may pamagat na “Digong, linisin mo na ang Customs!” Naisulat ko ang pagkasangkot ni Atty. Teodoro Jumamil sa mga alegasyon ng korapsiyon sa Bureau of Customs ngunit hindi ko nahingi ang kanyang panig. Humihingi ako ng paumanhin kay Jumamil sa pagkakamali sa paglathala ng artikulo.
- Latest